Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Abril 3, na ang northeasterly windflow ang kasalukuyang nakaaapekto sa Northern Luzon habang easterlies naman ang umiiral sa mga natitirang bahagi ng bansa.
Base sa ulat ng PAGASA kanilang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang northeasterly windflow, o ang hanging galing sa hilagang-silangan, ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora.
Bukod dito, inaasahang ding magdadala ang northeasterly windflow ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region.
Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga pag-ulan sa nasabing mga lugar.
Samantala, malaki ang tsansang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).