April 04, 2025

Home BALITA

MRT-3, may 1 linggong libreng sakay para sa mga beterano

MRT-3, may 1 linggong libreng sakay para sa mga beterano
DOTr MRT-3/FB

Magandang Balita para sa mga beterano dahil pagkakalooban sila ng isang linggong libreng sakay ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Isasagawa ang libreng sakay mula Abril 5 hanggang 11, bilang bahagi ng pakikiisa para sa pagdiriwang ng Valor Day o Araw ng Kagitingan sa Abril 9 at Philippine Veterans’ Week. 

Sa abiso ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes, Abril 3, nabatid na para maka-avail ng libreng sakay, kakailanganin lamang ng mga beterano na magpakita sa mga tauhan ng istasyon ng MRT-3 ng valid identification card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).

Bukod sa mga beterano, libre ring makakasakay ng tren ang isang kasama nila.

Eleksyon

Joke ng Pasig candidate tungkol sa single moms, di nakakatuwa—DSWD Sec. Gatchalian

"Maghahandog ang MRT-3 ng ISANG LINGGONG LIBRENG SAKAY para sa mga beterano at isa nilang companion o kasama sa darating na Abril 5-11," anunsiyo ng MRT-3.

"Kinilala ng MRT-3 ang dakilang sakripisyo at kontribusyon ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa ating bansa. Kaya naman po gaya noong mga nakaraang taon, nais muli nating pagpugayan at pasalamatan ang ating mga beterano sa darating na Philippine Veterans Week. Handog ng MRT-3 ang isang linggong libreng sakay sa kanila at isa nilang companion," sabi ni MRT-3 General Manager Michael J. Capati.

Libreng makakasakay ang mga beterano at kanilang kasama sa buong oras ng operasyon ng MRT-3, mula 4:30 am hanggang 10:30 pm sa North Avenue Station, at mula 5:05 am hanggang 11:09 pm sa Taft Avenue Station sa nabanggit na mga araw.