Bilang bahagi ng pagdiriwang para sa ika-445 taong Araw ng Maynila, hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga Manilenyo, na nagsasama bilang mag-asawa, na samantalahin ang pagkakataon at lumahok sa "Kasalang Bayan 2025" na idaraos ng pamahalaang lungsod sa Hunyo.
Ayon kay Lacuna, ang mga interesadong makapagpakasal nang libre sa simbahan man o sibil ay maaaring magtungo sa Manila Civil Registry Office o di kaya ay magpadala lamang ng mensahe sa Manila Public Information Office Facebook page upang makakuha ng mga impormasyon para sa mga kakailanganing dokumento para sa aktibidad.
Nabatid mula kay Civil Registry head Encar Ocampo na limitado lamang ang slots para sa kasalang bayan at ang mga aplikante ay ie-entertain, sa pamamagitan ng "first come, first serve basis."
Tanging yaong may mga kumpleto at aprubadong dokumento lamang din aniya ang maaaring makalahok sa naturang mass wedding.
Nabatid na ang deadline sa pagsusumite ng mga dokumento para sa aktibidad ay sa Mayo 15, 2025.
Para sa mga nais mag-avail ng civil wedding at hindi Katoliko, kabilang sa mga kakailanganing dokumento ay certificate of no marriage (CENOMAR); marriage license (Manila Civil Registry-issued); birth certificate; valid identification card na may Manila address (Government-issued); affidavit of cohabitation (para sa mga may edad 23 o pataas at nagsasama sa iisang bubong ng may limang taon pataas o yaong may anak na) at birth certificate ng anak.
Para naman sa mga nagnanais na magpakasal sa simbahan, ang mga aplikante ay kailangang magprisinta ng CENOMAR; baptismal certificate (purpose: for Church wedding); confirmation certificate (purpose: for Church Wedding); marriage banns (para sa mga hindi mula sa Intramuros Parish) at interview/seminar mula sa simbahan.
Kinakailangan din nilang magprisinta ng marriage license (Manila Civil Registry-issued); birth certificate; valid ID with Manila address (government-issued) at affidavit of cohabitation (para sa mga may edad 23 o pataas at nagsasama sa iisang bubong ng may limang taon pataas o yaong may anak na) at birth certificate ng anak.
Ani Ocampo, tulad din ng lahat ng mass weddings na idinaos sa ilalim ng administrasyong Lacuna, libre na ang marriage license, wedding cord at veil, flower bouquet, arrhae (wedding tokens) at wedding rings.
Alinsunod din sa kautusan ni Lacuna, ang reception, venue, church marriage at wedding service ay sasagutin na rin ng mayor's office.
Nabatid na itinakda ang pagdaraos ng kasalang bayan sa Hunyo 14, 2025.
Ang Church wedding venue ay sa San Vicente de Paul Parish habang iaanunsiyo pa lamang ang civil wedding venue sa mga susunod na araw.