Gumawa ng ingay ang pinakabagong travel advisory ng China hinggil sa umano’y banta ng seguridad para sa mga Chinese nationals na nagnanais bumisita sa Pilipinas.
Ayon sa inilabas na travel advisory ng China kamakailan, pinag-iingat nito ang kanilang mga mamamayan dahil umano sa banta ng panghaharas ng mga awtoridad laban sa kanila, bagay na pinabulaanan ng Palasyo.
KAUGNAY NA BALITA: Babala ng Chinese embassy sa Chinese nationals: 'Public security in the Philippines has been unstable'
Depensa ng Palasyo, nasabi lamang daw ito ng China dahil sa patuloy na pagpuksa ng Pilipinas sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, kung saan pawang mga Chinese Nationals ang nasa likod ng mga ilegal na operasyon nito.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang sa travel advisory ng Chinese embassy tungkol sa Pilipinas: 'Nasasabi nila ito dahil sa POGO!'
Samantala, bago pa man ang kontrobersyal na travel advisory ng China, may ilang bansa na rin sa iba’t ibang panig ng mundo ang naglabas ng paalala para sa mga nagnanais bumisita sa Pilipinas.
Australia
Noong Marso 28, 2025 nang maglabas ng abiso ang Australia hinggil sa umano’y patuloy na banta ng terorismo sa bansa. Pinangalanan din ng Australia ang mga probinsya sa bansa na direkta nilang tinukoy na hindi umano ligtas bisitahin.
“Do not travel to central and western Mindanao, including the Zamboanga Peninsula, Sulu Archipelago and the southern Sulu Sea area due to the very high threat of terrorism and kidnapping,” anila.
Canada
Noong Marso 18, 2025 nang mag-abiso rin ang Canada para sa lahat ng mga Canadian nationals na nagbabalak umanong bumista sa Pilipinas. Bukod sa terorismo, kidnapping ang isa sa kanilang dahilan ang kung bakit hindi umano nila inirerekomenda ang pagbisita sa iba’t ibang parte ng Mindanao.
United Kingdom
Disyembre 2, 2024 naman nang maglabas ng abiso ang United Kingdom kung saan iginiit nila ang umano’y banta sa seguridad ng turismo sa Mindanao. Sa kabila nito, nilinaw nila na pawang ang mga isla lamang ng Camiguin, Dinagat at Siargao ang may rekomendasyon sila para sa mga turista.
Japan
Disyembre 19, 2024 naman nang ianunsyo ng Japan nang ibaba nila ang rehiyon ng Davao mula level 2 (discouraging non-essential travel) hanggang level 1 (take extra care), bilang mga delikadong lugar sa bansa na hindi nila inirerekomendang bisitahin. Kabilang din sa mga naibaba sa level 1 ang Surigao City at Misamis Oriental habang nanatili naman sa level 1 status ang Cagayan de Oro City, Jasaan, Villanueva, Tagoloan, at Siargao Islands.
United States of America
Sulu Archipelago at Marawi City naman ang naging laman ng babala ng US Embassy noong Mayo 17, 2024 sa kanilang travel advisory bunsod umano ng kidnapping, terorismo at civil unrest.
***
Ilan lamang ang mga lugar na nabanggit mula sa Pilipinas na umano’y may mataas na banta ng seguridad na nakakaapekto sa turismo. Sa kabila nito, nananatili ang disposisyon ng Malacañang.
“Tandaan po natin, lahat po dito ay welcome, except po, of course kapag gumagawa po ng krimen. I-implement po natin kung ano po ang batas,” ani Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa press briefing noong Miyerkules, Abril 2, 2025.