Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Huwebes, Abril 3, na binigyan ng provisional release ang 17 overseas Filipino workers (OFW) na inaresto sa Qatar matapos magdaos ng “political rally.”
Sa isang press briefing nitong Huwebes, Abril 3, sinabi ni Secretary Hans Leo Cacdac na agad na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakaloob ng legal at welfare assistance sa 20 Pinoy sa Qatar: 12 lalaki, limang babae, at tatlong menor de edad na nauna nang nakalaya.
“With gladness, we report today that, of course, based on the President's directive to secure the immediate release of the 17 who are still detained, the Qatari authorities in two separate batches, the males at around 2: 30 a.m. Qatari time and the females at around 4 a.m. Qatari time, were provisionally released pending investigation,” ani Cacdac.
“This means they have their liberty. Pending investigation, they're able to all go home to their respective homes in Qatar, in Doha. And able to spend time with themselves and their loved ones,” dagdag niya.
Samantala, sinabi rin ni Cacdac na bagama’t walang kasong isinampa laban sa nasabing mga OFW, patuloy pa rin silang iniimbestigahan ng mga awtoridad sa naturang bansa.
Magpapatuloy naman daw ang legal at welfare assistance ng pamahalaan sa mga OFW habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatandaang noong Marso 28 nang kumpirmahin ng Philippine Embassy in Qatar na inaresto at ikinulong ang ilang mga Pinoy doon dahil sa "unauthorized political demonstrations" sa naturang bansa.
MAKI-BALITA: Ilang Pinoy sa Qatar, inaresto at ikinulong dahil sa umano'y 'political demonstrations'
KAUGNAY NA BALITA: DMW, inasistehan 19 Pinoy sa Qatar na inaresto dahil sa umano'y 'political demonstrations'
Isinagawa umano ng mga OFW ang "political demonstrations" upang magpakita ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong "crimes against humanity” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito,
MAKI-BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD