Muling sumulat si reelectionist Senator Imee Marcos kay Executive Secretary Lucas Bersamin hinggil sa hindi pagdalo ng ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa senadora, ang imbitasyon daw ay nagsisilbing pangalawang pagkakataong ibinibigay ng komiteng kaniyang pinamumunuan na siyang nag-organisa ng nasabing pagdinig, upang makapagpaliwanag daw ang kampo ng ilang miyembro ng gabinete.
“The Committee is keen to provide the executive officials an opportunity to clarify issues and questions that surfaced last hearing. There are likewise new pieces of information that the Committee has received, and in the interest of fairness and transparency, the Committee would like to give executive officials a chance to explain their side relative to these new pieces of information,” ani Sen. Imee.
Samantala, nauna nang ihayag ni Bersamin sa pamamagitan ng liham kay Senate President Chiz Escudero na hindi dadalo ang ilang gabinete sa nakatakdang pagdinig ng Senado sa Huwebes, Abril 3, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Mga miyembro ng gabinete ni PBBM, 'di sisipot sa pa-Senate hearing ni Sen. Imee
Matatandaang noong Marso 20 nang ikasa ni Sen. Imee ang pagdinig kung saan nauna nang nilinaw nina Department of Justice (DOJ) Jesus Crispin "Boying" Remulla, Defense Secretary Gilberto Teodoro at National Security Adviser Eduardo Año na hindi umano nakipag-ugnayan ang bansa sa International Criminal Court (ICC) upang maaresto si dating Pangulong Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang cabinet members, nanindigang 'di tumulong ang Pinas sa ICC