May hamon si Tingog Party-list Representative Jude Acidre kay dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque hinggil sa sitwasyon ng ilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Qatar na naaresto matapos umanong magkasa ng political gatherings na labag sa patakaran ng naturang bansa noong Marso 28, 2025 kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang Pinoy sa Qatar, inaresto at ikinulong dahil sa umano'y 'political demonstrations'
Sa panayam ng media kay Acidre nitong Miyerkules, Abril 2, iginiit niyang isa umano si Roque sa mga nagtulak sa mga Pinoy na naaresto na magkasa ng rally para kay Duterte.
“Sa intindi ko, isa siya sa mga nagbuyo sa ating kawawang mga kababayang naiipit ngayon na magsagawa ng pagtitipon,” ani Acidre.
Dagdag pa niya, hindi raw sapat ang pag-apela lang sa gobyerno ng Qatar dahil ang kailangan daw ng mga Pinoy na naaresto ay legal aid—bagay na kayang ibigay ni Roque bilang isang abogado.
“Wala namang silbi ang appeal-appeal niya sa Qatari authorities. Unang-una, wala siyang legal personality to make the appeal. Pangalawa, fugitive siya dahil sa contempt ng Kamara tapos may kaso pa siyang human trafficking dahil sa POGO. Ang pwede niya talagang maitulong ay legal aid sa mga naaresto sa Qatar,” anang mambabatas.
Matatandaang kamakailan lang nang manawagan si Roque sa gobyerno ng Qatar at inungkat ang umano’y pagiging mabuting kaibigan ng administrasyong Duterte sa nasabing bansa.
“We're appealing to the Qatari authorities, the state of Qatar has always been a very good friend of President Rodrigo Roa Duterte, we are appealing to you to understand the sentiments of our countrymen. They love the [ex] president and they cannot accept the fact that he is now here at The Hague, held as prisoner by westerners," saad ni Roque.
KAUGNAY NA BALITA: Harry Roque, tinawag na 'hypocrite' ni Richard Heydarian matapos umapela sa Qatar
Muli ring pinuna ni Acidre ang pananatili ni Roque sa Netherlands na aniya’y wala naman daw siyang “official business.”
“Wala naman siyang official business sa Netherlands. Hindi naman siya parte ng legal defense team doon, kaya bakit hindi na lang siya tumulong dito sa ating gobyerno upang masiguro ang kaligtasan at hustisya para sa OFWs na nakakulong sa Qatar?” saad ni Acidre.