Ibinahagi ni Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. ang pangunahing layunin ng klasikong akda ni Francisco “Balagtas” Baltazar na “Florante at Laura.”
Sa kaniyang pangwakas na pananalita sa ginanap na programa bilang paggunita sa ika-237 kapanganakan ni Balagtas nitong Miyerkules, Abril 2, sa Pandacan, sinabi ni Mendillo, Jr. na pagkakaisa raw ang layunin ng akdang ito ni Balagtas.
Ayon sa kaniya, “Ang Florante at Laura, kung ito po ay atin pong titingnan, ay hindi lamang isang kuwento ng dalawang nag-iibigan. Ito ay kuwento ng dalawang magkaibang ideolohiya na nagsama sa isang gubat na tinutukoy nating Pilipinas.”
“At sa bandang huli, sila ay nagkasama,” pagpapatuloy niya. “At nagkasama ang kanilang mga ideolohiya para sa isang adhika.”
Dagdag pa ni Mendillo, Jr., “Ang ideolohiya ng Kristiyano at ideolohiya ng Muslim, sa bandang huli po ay nagkaisa. ‘Yan ang pangunahing layon ng Florante at Laura.
Samakatuwid, ito raw mismo ang panawagan ni Balagtas kaniya ang akda—pagkakaisa.
Samantala, sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Mendillo, Jr., hinimok niya ang bawat Pilipino na maging mapanuri tulad ni Balagtas sa panahon ng political struggle.
MAKI-BALITA: EXCLUSIVE: Sa panahon ng political struggle, maging mapanuri tulad ni Balagtas —Mendillo, Jr.