Sinagot ng Palasyo ang naging babala ng Chinese Embassy para sa Chinese nationals na nagnanais bumisita sa Pilipinas, hinggil sa umano’y harassment na maaaring maranasan nila sa mga awtoridad sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Babala ng Chinese embassy sa Chinese nationals: 'Public security in the Philippines has been unstable'
Sa press briefing nitong Miyerkules, Abril 2, 2024 iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang naturang babala ng embahada.
“Ang kanilang travel advisory ay is just a normal consular function of China. At we can assure, China, na hindi po tayo nagta-target ng particular nationality. O particular national na para i-harass,” ani Castro.
Iginiit niya rin na bukas ang bansa para sa lahat ng mga turistang gustong bumisita hangga’t wala umano silang ginagawang labag sa batas.
Inungkat din ni Castro ang usapin ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, na marahil ay naging basehan daw ng nasabing pahayag ng China.
“Malamang po nasasabi nila ito dahil sa ating pagpapatupad dito sa POGO na dapat ay mawala na sa atin at karamihan po dito ay mga Chinese nationals. So malamang po ay isa ito sa magiging, nagiging isyu po,” saad ni Castro.
Samantala, sinabi rin ni Castro na bukas daw Department of Foreign Affairs (DFFA) sa pakikipag-usap sa China.
“Pero muli ang DFA po ay open po for discussion regarding this at ia-assure po nating muli ang China na wala po tayong tinatarget na particular national,” aniya.