Nagbigay ng pahayag si Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Full-time Commissioner Benjamin Mendillo, Jr. kaugnay sa relevance o halaga ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa kasalukuyang panahon.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa ginanap na programa bilang paggunita sa ika-237 kapanganakan ni Balagtas nitong Miyerkules, Abril 2, sa Pandacan, sinabi ni Mendillo, Jr. na tulad ni Balagtas, dapat umanong maging mapanuri ang mga Pilipino sa panahon ng political struggle.
“Tingnan natin ang mga naging panulat ni Balagtas sa lente kung papaano niya tinitingnan ang kaniyang kaligiran, ang politika, ang political situation noong panahon na ‘yon,” saad ni Mendillo, Jr.
“Ngayon,” pagpapatuloy niya, “dumaraan tayo sa isang matinding political struggle ng bansa. At tulad ni Balagtas dapat tayo ay maging mapanuri.”
Dagdag pa ng komisyoner, “Tulad ng ginawa niya, tiningnan niya ang kaliwa at kanan na mga perspektiba at bunsod niyon ay nagbigay siya ng isang konklusyon na maghahatid ng isang ideolohiya; adhika na magtutulak sa mga kabataan na tularan siya.”
At sa palagay ni Mendillo, Jr. ay hindi raw nabigo si Balagtas sa adhika nito dahil pagkaraan ng ilang taon ay sinundan ito nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Jose Corazon de Jesus, at marami pang iba.
“Sapagkat nakita nila ang yaman at diwa ng panulat ni Balagtas,” aniya.
Si Balagtas ang kinikilalang “Prinsipe ng Panulaang Tagalog.” Isa sa mga sikat at dakila niyang akda ang “Florante at Laura” na patuloy pinag-aaralan sa mga paaralan.
Bagama’t hindi lumaban sa mga mananakop gamit ang tabak o baril, kinikilala ni National Artist for Literature Virgilio Almario si Balagtas bilang isang bayani taliwas sa paniniwala ng ilang historyador.
MAKI-BALITA: Kilalanin: Francisco Balagtas, bayaning full-time writer