April 03, 2025

Home BALITA National

Mga solon, senador supalpal kay Rodriguez: 'Di malayong mabankarote mga Pilipino!'

Mga solon, senador supalpal kay Rodriguez: 'Di malayong mabankarote mga Pilipino!'
Photo courtesy: Screenshots from Vic Rodriguez (FB)

"Bankarote sapagkat makikita naman natin, kung ganito ho ang uri ng ating mga mambabatas, mga kongresista at senador, nagpapasa po ng ₱6.326 trillion national budget base sa blangkong bicameral conference committee report, hindi po malayong mababankarote tayong mga Pilipino!"

Iyan ang maaanghang na pahayag ng dating spokesperson ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at ngayo'y tumatakbong senador na si Atty. Vic Rodriguez ang mga umano'y hawak na ebidensyang magpapatunay na may mga bahaging item sa 2025 General Appropriations Act (GAA) o national budget ang walang pirma o lagda.

Sa isinagawa niyang Facebook Live ngayong Martes, Abril 1, na pinamagatan niyang "BANKAROTE," ipinakita ni Rodriguez ang hawak niyang certified true copy ng nabanggit na papeles upang igiit na may basehan ang kanilang petisyon sa Supreme Court na muling busisiin ang nabanggit na national budget.

Matatandaang noong Enero 2025, naghain sina Atty. Vic at Davao City Rep. Isidro Ungab ng petisyon sa Korte Suprema na naglalayong ipawalang-bisa ang GAA na tinawag nilang “ilegal, kriminal, at unconstitutional.”

National

Rep. Acidre, hinamon si Roque na tulungan OFWs na naaresto sa Qatar

Inakusahan din ni Rodriquez ang mga senador at kongresistang hindi tumutol upang maipasa ang national budget na kasabwat umano sa tinawag niyang “biggest money heist.”

KAUGNAY NA BALITA: Petisyong ipawalang-bisa 2025 nat’l budget, isinampa nina Rodriguez at Ungab sa SC

Sa kaniyang Live, ibinalandra ni Rodriguez ang ilang pahina ng report na aniya ay walang pirma, na aabot daw sa 18 items.

Pinasinungalingan din ni Rodriguez ang kumakalat na "fake news" mula raw sa isang mambabatas na walang basehan ang kanilang petisyon laban sa GAA. Paliwanag pa ng abogado, kapag nabankrupt ang pamahalaan ay mangungutang ito, at ang magbabayad ay mamamayang nagbabayad naman ng buwis.

"Kung wala na po tayong pera, mangungutang po ang gobyerno. At 'pag nangutang po ang gobyerno, babayaran natin 'yon. Babayaran po natin 'yon sa pamamagitan ng ating mga buwis," paglilinaw pa ni Rodriguez.

Inilarawan pa niya ang bicam conference committee report na "siksik, liglig, at umaapaw" sa mga blangkong pirma.

"Kaya po tayo ay nagtungo na sa Korte Suprema para matigil na po itong malpractice na ito na pagsasalaula sa ating Saligang-Batas. Hindi po dapat natin pinahihintulutan dahil pera po nating mga Pilipino ito eh," aniya pa.

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Vic Rodriguez, ibinalandra ebidensyang walang pirma ilang dokumento ng national budget

Matatandaang ipinagdiinan na nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero na walang katotohanan ang mga ibinabatong akusasyon tungkol sa isyung ito.

"The General Appropriations Act, which is the product of any committee or conference committee report, is what is being questioned. That law is complete — there are no blank entries, no omissions, and the amounts add up. Please understand, the budget has around 200,000 lines with titles, project names, and amounts written down," pahayag pa ng senate president.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang dalawang lider ng Kongreso tungkol sa mga pasabog ni Rodriguez.

KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, kinondena pagpapakalat ng fake news tungkol sa 2025 national budget

KAUGNAY NA BALITA: HS Romualdez at iba pa, sinampahan ng kasong 'falsification of legislative documents at graft and corruption'