April 02, 2025

Home BALITA

Ilang OFW sa Qatar, hindi inaresto dahil sa pagsali sa political demonstrations?

Ilang OFW sa Qatar, hindi inaresto dahil sa pagsali sa political demonstrations?
Photo Courtesy: via MB, Freepik

Kumakalat sa kasalukuyan ang ilang posts at pahayag na nagsasabing hindi paglahok sa political rally ang ugat kung bakit inaresto ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Qatar.

Sa Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Romeo Jr Villegas” kamakailan, sinabi niyang “night swimming picnic” at “family gathering” lang umano ang ginanap sa naturang bansa at walang rally na kinasangkutan ang mga OFW doon.

“Sinong magulang ba ang isasama ang mga anak nila kung alam nilang may rally sa pupuntahan nila? So, kung may inimbitahan man sa presento na approximately 17 to 20 na katao, out of more or less 150 estimated na mga Filipinong pumunta doon sa Resort, ay dahil sa nakita silang naka DDS Shirts (magkaka hiwalay), which is normal naman sa mga huma hanga sa former President,” saad ni Villegas.

Samantala, sa isang Facebook post naman ni Erwin Vlogs noong Lunes, Marso 31, sinabi niyang kawalan umano ng dokumento ang dahilan kung bakit nadakip ang ilang OFW sa naturang bansa.

National

Rep. Acidre, hinamon si Roque na tulungan OFWs na naaresto sa Qatar

“Hindi po totoo na may mga nahuli sa Qatar na mga nagra-rally. Pinalabas lang nila dahil alam n'yo na, mahilig sa mga fake news,” saad ni Erwin.

Dagdag pa niya, “Hindi po totoo na mga nagra-rally ang nahuli do'n. 'Yong mga nahuli do'n, walang papel. 'Yong iba diyan, may dalang mga bata, naligo sa dagat. At bawal 'yong bata sa dagat.”

Pero sa isinagawang press briefing noong Lunes, Marso 31, pinabulaanan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega ang mga pahayag na tumataliwas sa mga naunang ulat tungkol dito. 

Ayon kay de Vega, “We know they were just indicating their support for the former president. And they were, I think they were harmless. It was more like a picnic gathering.” 

“However, they had on T-shirts and placards and that is the reason why they were arrested. Hindi sila inaresto dahil walang visa. Wala,” dugtong pa niya.

Patuloy ang pakikipagnegosasyon ng kagawaran sa mga awtoridad ng Qatar para pagmultahin na lang ang mga nahuling OFW sa halip na sampahan ng kasong kriminal.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, 17 pa rin ang nasa kustodiya habang ang tatlong menor de edad naman ay pinalaya na.

MAKI-BALITA: Ilang Pinoy sa Qatar, inaresto at ikinulong dahil sa umano'y 'political demonstrations'