Usap-usapan ang Facebook post ng isang netizen na nagngangalang "Shie" matapos niyang ibahagi ang kanilang pinagdaanan sa pagpapaospital sa kasambahay na inatake ng stroke noong Linggo, Marso 30.
Kuwento ni "Shie" sa kaniyang post, nakaramdam ng pamamanhid sa kaliwang bahagi ng katawan ang kanilang helper na si "Ate Becca," kasama pa ang panghihina.
Agad nilang isinugod sa isang pribadong ospital ang kasambahay upang mapatingnan kaagad ito. Napag-alamang stroke ang nararanasan ng kanilang kasambahay, matapos ang ilang tests.
"Kailangang mailagay si Ate Becca sa ICU pero walang bakante sa ospital at humihingi kaagad sila ng agarang ₱40,000 para sa unang araw nito sa ICU," pagbabahagi ni "Shie."
Kaya naman, nagsagawa na lamang ng referral ang doktor upang mailipat nila ang pasyente sa isang pampublikong ospital sa Quezon City, subalit hindi sila tinanggap dahil sa umano'y kakulangan sa pasilidad, kaya nagpalipat-lipat sila sa iba pang ospital na ma-aaccommodate ang kalagayan ng kasambahay.
Inikot nila ang buong Maynila mula 4:00 ng hapon hanggang 3:00 ng madaling-araw, hanggang sa napadpad sila sa isang tertiary DOH retained-hospital sa Maynila.
"Nais nilang tanggapin si Ate Becca pero kailangan niyang manatili sa wheelchair hanggang may mabakanteng kama. Nang tanungin namin kung kailan, ang sagot nila ay 'Hindi namin masasabi kung kailan,'" bahagi pa ng post ni "Shie."
"Mula alas kwatro ng hapon hanggang alas tres ng madaling araw ay nilibot namin ang ka-Maynilaan. Pero bigo pa rin kaming makahanap ng ospital na ma-a-admit si Ate Becca. Ang saklap ng health care system sa bansa natin," nasabi na lamang ni Shie.
Sa pagpapatuloy, "Nirecommend ng Doctor na iuwi namin si Ate Becca sa bahay upang dito lapatan ng pansamantalang gamutan. Kinakailangan ng malaking halaga upang mailagay siya sa ICU."
"Kami po bilang employers niya ay nasasagad na rin sa aspetong pinansyal at hindi makapagpatuloy sa negosyo sa pag-aasikaso sa kanya. Maging ang kanyang pamilya ay wala ring kakayahang maipagamot siya."
Sa panibagong update ni "Shie" patungkol kay "Becca," Martes, Abril 1, sinabi niyang binigyan sila ng clearance ng doktor at ospital na puwede nilang iuwi ang pasyente sa kanilang bahay upang doon na gamutin at alagaan. Pinasalamatan niya ang pagtulong sa kanila ng mayor ng Alcantara, Romblon na si Mayor Riza Galicia Pamorada.
Kahit ligtas na si "Ate Becca," nananawagan at kumakatok sa puso ng netizens si "Shie" para sa alinmang tulong na maipaaabot sa pagpapagaling ng kasambahay.
"Napakalaking blessing na binigyan si Ate Becca ng clearance na ipagpatuloy ang kanyang gamutan sa bahay at hindi na siya kailangan i-ICU. Grabe ang healing power ng Panginoon."
"Isa sa malaking gastusin na kailangan punan ay ang kanyang MRI at mahaba-habang therapy sessions para makabalik siya sa dati niyang sigla at paggalaw."
"Maraming salamat po sa mga patuloy na nag-aabot ng tulong para kay Ate Becca! Mapapasalamatan din po namin kayo isa-isa sa susunod. Nakalista po kayong lahat sa papel, sa isip at sa puso namin," aniya pa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay "Shie," sinabi niyang nalulungkot talaga siya sa sistema ng health care sa bansa, lalo na sa mahihirap, matapos ang naging karanasan nila sa paghahanap ng ospital na tatanggap sa helper.
"Ang hirap maging mahirap sa Pilipinas," aniya.
"Nakakapanghina nung sinabi nila sa amin na 'Wala pong assurance na may tatanggap sa kanya ngayon.'"
"Walang higaan ang mga ER. Halos magmakaawa ka para sa wheelchairs."
"Stroke patient si Ate Becca pero dahil may mas malala sa kanya, waiting siya sa bed. Halos mga may tubo kasi ang nakahiga."
Kaugnay pa nito, nakatakda silang magdaos ng isang livestream concert-for-a-cause na may pamagat na "Para Kay Ate Becca" kung saan magtatanghal ang "Tawag ng Tanghalan" All-Star Grand Resbak 2025 contenders, sa mga susunod na araw.
"Proceeds will be donated to medical expenses of Ate Becca," aniya.
Isasagawa ang livestream ng isa sa mga TNT contender na si Venus Pelobello.
Umaasam si "Shie" na balang-araw, mas magiging maayos pa ang health care system sa bansa, lalo na sa mga kababayang may suliraning pinansyal.
Para sa mga nagnanais magpaabot ng tulong para kay "Becca," ipadala ito sa GCash number na : 0917-147-0157.