Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga artist at musician na maghain ng pormal na reklamo laban sa mga kandidatong gumagamit ng mga likha nila nang walang permiso.
Sa ulat ng GMA Integrated News noong Lunes, Marso 31, sinabi ito ni Comelec Commissioner George Garcia matapos pasaringan ng bandang Lola Amour ang mga kandidatong gumagamit ng kanta nila sa kampanya.
Ayon sa kaniya, “Sinabi na po namin 'yan bago pa magsimula ang campaign period sa national. 'Wag nanakawin ang akda ng iba. 'Wag nanakawin ang mismong lyrics ng iba. 'Wag natin gagawin 'yan kasi kawawa naman ang mga artistang Pilipino na nagpapakahirap. Intellectual property po nila 'yan.”
“Mayr’on kaming memorandum of agreement with IPOPHL…Sinabi namin basta may mag-complain sa 'min agad naming aaksyunan 'yan,” dugtong pa ni Garcia.
Kaya panawagan niya sa banda, “Sana do’n sa banda na nagrereklamo na ang kanilang akda ay nagamit, sana maibato sa 'min 'yong complaint para makapag-coordinate kami with IPOPHL at para mabigyan nang karampatang notice ang gumagamit nito.”
MAKI-BALITA: Lola Amour nagpasaring sa mga gumagamit ng kanta nila sa campaign jingles na 'di nagpaalam
Matatandaang noong Oktubre 2024 ay nauna nang nagbigay ng paalala ang Intellectual Property of the Philippines (IPOPHL) sa mga kakandidato na igalang ang intellectual property rights ng mga gagamiting promotional material.
KAUGNAY NA BALITA: Rapper, sinita campaign jingle ni Quiboloy: 'Di pa nakaupo, nagnakaw na agad'