Muling ipinakita ng dating spokesperson ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at ngayo'y tumatakbong senador na si Atty. Vic Rodriguez ang mga umano'y hawak na ebidensyang magpapatunay na may mga bahaging item sa 2025 General Appropriations Act (GAA) o national budget ang walang pirma o lagda.
Sa isinagawa niyang Facebook Live ngayong Martes, Abril 1, ipinakita ni Rodriguez ang hawak niyang certified true copy ng nabanggit na papeles upang igiit na may basehan ang kanilang petisyon sa Supreme Court na muling busisiin ang nabanggit na national budget.
KAUGNAY NA BALITA: Petisyong ipawalang-bisa 2025 nat’l budget, isinampa nina Rodriguez at Ungab sa SC
"Sasagutin ko lang 'yong nagpapakalat ng fake news na wala raw basehan ang ating petisyon sa Korte Suprema questioning the constitutionality of 2025 national budget," ani Rodriguez.
Bandang 8:34 ng live video, ipinakita na ni Rodriguez ang mga hawak na "resibo" ng bicameral committee report.
"Pakita ko lang po ulit ah, 'yong bicameral committee report, ito po 'yan, pirmado nakita naman po ninyo eh, pirmado," anang Rodriguez habang ipinakikita ang isang pahina.
"Ang nandito naman ay napakaraming blangko," pagpapatuloy ni Rodriquez sabay pakita ng pahina ng report na tinutukoy niya.
"Para lang ho, pangit kasi na magpa-gaslight po tayo eh, 'yong pahintulutan natin sila na bilugin po ang ulo ninyo bagama't ngayon po ay April 1, I don't want you to be fooled by any member of Congress, na lumalabas ho sa pahayagan na wala raw pong basehan 'yong atin pong petisyon pending before the Supreme Court," aniya pa.
"hayan po ang linaw-linaw, minarkahan ko na nga po, blangko eh, blangko 'yan eh! There are 18 items na blangko, hindi ko na po ipakita sa inyo lahat, just some, just to refresh your memory..." anang abogado.
Matatandaang ipinagdiinan na nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero na walang katotohanan ang mga ibinabatong akusasyon tungkol sa isyung ito.
"The General Appropriations Act, which is the product of any committee or conference committee report, is what is being questioned. That law is complete — there are no blank entries, no omissions, and the amounts add up. Please understand, the budget has around 200,000 lines with titles, project names, and amounts written down," pahayag pa ng senate president.
KAUGNAY NA BALITA: SC, ipinag-utos makakuha ng kopya ng GAA mula sa Palasyo, Senado at Kongreso
KAUGNAY NA BALITA: HS Romualdez at iba pa, sinampahan ng kasong 'falsification of legislative documents at graft and corruption'