Hiniling ni Vice President Sara Duterte na magdala ang pagdiriwang ng Eid'l Fitr sa Muslim Community ng kapayapaan sa puso, liwanag sa kanilang diwa, at walang hanggang kasiyahan sa kanilang tahanan.
Sa isang video message nitong Lunes, Marso 31, ipinaabot ni Duterte ang kaniyang pakikiisa sa mga kapatid na Muslim sa Eid'l Fitr o pagtatapos ng Ramadan na tinawag niyang isang panahon ng “pananampalataya, pagsasakripisyo, at pagninilay.”
“Ang mahalagang araw na ito ay hindi lamang paalala ng kabutihan ni Allah, kundi pati na rin ng mahahalagang turo ng banal na Qur'an—ang pagkakaisa at pagbabahagi ng biyaya sa pamilya at higit sa lahat, sa mga nangangailangan,” ani Duterte.
“Hangad namin na ang Eid ay magdala ng kapayapaan sa inyong mga puso, liwanag sa inyong diwa, at walang hanggang kasiyahan sa inyong tahanan.”
Bukod dito, hiniling din ng bise presidente ang kabutihan at pagkakaisa para sa Muslim community.
“Nawa’y tanggapin ang inyong mga panalangin, gantimpalaan ang inyong mga sakripisyo, at pagpalain ang inyong buhay ng pag-ibig at kasaganaan,” anang bise.
“Nawa’y patuloy tayong gabayan ni Allah sa landas ng kabutihan at pagkakaisa. Eid Mubarak sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay,” dagdag pa niya.