Posibleng umabot sa 50,000 ang death toll kung tumama ang "The Big One" o ang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila at mga kalapit na lugar, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno sa ulat ng Manila Bulletin nitong Lunes, Marso 31, base sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nangyayari ang paggalaw ng West Valley Fault System kada 400 hanggang 600 taon.
Sa ngayon ay papalapit na umano ang Pilipinas sa susunod na paggalaw ng naturang West Valley Fault System, na posibleng magdulot umano ng nasa 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila.
Kaugnay nito, binanggit ni Nepomuceno ang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) 20 taon na ang nakalilipas, kung saan ang “worst case scenario” raw sa magnitude 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila ay posibleng magresulta sa mahigit 30,000 hanggang 50,000 pagkasawi.
Mahigit 160,000 serious injuries din umano ang posibleng maitala dahil sa naturang “The Big One.”
Samantala, sinabi rin ni Nepomuceno na posibleng magbunsod ang paggalaw ng Manila Trench ng mas malakas na lindol na aabot sa 8.3-magnitude.
“In the case of the movement at the Manila Trench, the projection is an 8.3 magnitude earthquake and it will also trigger a tsunami,” saad ni Nepomuceno.
Upang maiwasan ang “worst cases scenarios” dahil sa lindol, inihayag ni Nepomuceno na nagsasagawa sila ng mga dalawang antas ng paghahanda: ang earthquake drills at ang pagsisiyasat sa mga gusali at imprastraktura upang masigurong matibay ito at hindi magigiba ng malalakas na lindol.