Iginiit ni labor-leader Ka Leody de Guzman na tila sinusuka na umano si Senador Imee Marcos ng kampo ng mga Marcos at Duterte, at iniimbestigahan lamang umano niya sa Senado ang naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang makakuha ng “tamis-asim” na endorso rito.
Matatandaang kamakailan lamang ay inanunsyo ang isasagawang ikalawang pagdinig ng Senado sa Huwebes, Abril 3, hinggil sa naging pag-aresto kay FPRRD noong Marso 11 at pagdala sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague Netherlands.
Kaugnay nito, iginiit ni De Guzman na wala umano siyang nakikitang halaga sa pagsasagawa ng ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs, kung saan si Sen. Imee ang chairperson.
“Pinakita na ng unang hearing na hindi niya hangad ang hustisya, ang integridad ng ating soberanya o ang gasgas na gasgas na ‘in aid of legislation,’” giit ni De Guzman.
“Ginagamit niya lang itong platform para ligawan at makuha ang tamis-asim na endorsement ng nakapiit na Duterte,” dagdag niya.
Ayon pa sa labor leader, wala na umanong naniniwala sa senadora na tumatakbo siyang independent reelectionist.
“Kahit ilang ulit pa niyang ideklara na siya’y independyente, walang naniniwala sa kanya. Ang tanging kanyang pinagsisilbihan ay sarili niyang ambisyon,” giit ni De Guzman.
“Sa tagal niyang namamangka sa dalawang ilog ay tila sinusuka na siya ng magkaparehong kampo ng Marcos at Duterte. Deserve niya yan pagkat yan ang napapala ng mga opurtunistang trapo kagaya niya,” saad pa niya.
Matatandaang noong Marso 20 nang pamunuan ni Sen. Imee ang unang pagdinig ng Senado hinggil sa pag-aresto kay Duterte, kung saan iginiit niyang isa umanong “pang-aalipin” ang “hustisyang ipinapataw ng dayuhan.”
MAKI-BALITA: Sen. Imee, tinawag na ‘pang-aalipin’ ang ‘hustisyang ipinapataw ng dayuhan’
MAKI-BALITA: Tanong ni Sen. Imee: 'Pinas, kailan pa naging 'province of the Hague?'
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD