Naniniwala umano ang aktor at politician na si Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr. na naghimala sa kaniya ang Sto. Niño sa Cebu matapos hindi mapahamak sa helicopter crash noong Biyernes, Marso 28.
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP), nagpamisa ang senador kasama ang buong pamilya, sa bahay nila sa Bacoor, Cavite noong Linggo ng umaga, Marso 30, upang magpasalamat sa pagkakaligtas niya sa tiyak na kapahamakan.
Kuwento ni Sen. Bong, bagama't may karanasan na siya sa mga aircraft na nagkakaaberya sa himpapawid habang sakay siya, kakaiba naman ang nangyari sa kinalululang helicopter noong Biyernes dahil isang saranggola ang pumulupot sa tail motor ng chopper.
Mabuti na lamang daw at narinig ng piloto, at alertong nakapag-emergency landing.
Ligtas naman ang piloto, si Sen. Bong, at iba pang sakay ng helicopter.
Pakiramdam daw ng senador, himala ito ng mahal na Sto. Niño dahil may chapel daw ng Sto. Niño sa lugar kung saan sila nag-emergency landing.
“Siya 'yong unang-unang nakita ko doon habang bumababa 'yong chopper,” pahayag ng senador.
Mabuti na lamang daw at nakita kaagad nila ang area kung saan may helipad, kaya doon sila nakapag-emergency landing. Hindi raw niya inasahang may chapel sa nabanggit na lugar dahil kung titingnan mula sa itaas, puro mangroves ang makikita rito.
Agad naman daw silang inasikaso ng mga tao sa nabanggit na lugar, na napag-alaman nilang isang private property/resthouse.
Naniniwala rin si Revilla na sa kaniyang palagay, may misyon pa siyang kailangang gawin sa mundong ibabaw kaya "hindi pa siya kinuha."
"Pakiramdam ko, meron pa tayong gagawin, may misyon pa siguro tayo. Kaya nagpapasalamat tayo sa Panginoon na binigyan pa tayo ng… hindi pa ako kinuha. It’s not yet my time,” aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Hindi pa ako kinuha!’ Sen. Bong Revilla muntik madisgrasya sa helicopter crash, may misyon pa