Nagpaalala ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Saudi Arabia patungkol sa pagsunod sa lokal na regulasyon na may kinalaman sa pagdaraos ng mga event gaya ng demonstrasyon at political rallies.
Muling ipinagdiinan ng OWWA ang paalala ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na bago mag-organisa at makilahok sa mga ganitong pagtitipon, kailangan munang tiyaking may tamang permit ito.
Ito raw ay upang maiwasan ang mga legal na problema sa nabanggit na bansa.
"Mga Kabayan sa Saudi Arabia, importanteng paalala mula sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh!" mababasa sa Facebook post ng OWWA noong Linggo, Marso 30.
"Upang maiwasan ang anumang abala o legal na suliranin sa ibang bansa, siguraduhin na may tamang permit bago magsagawa ng anumang event."
"Ayon sa batas ng Saudi Arabia, mahigpit na ipinagbabawal ang pampublikong demonstrasyon at political rallies. Kaya naman, sumunod sa lokal na regulasyon upang maiwasan ang anumang maaaring maging problema."
"Para sa inyong mga katanungan, makipag-ugnayan sa Philippine Embassy in Saudi Arabia."
"Maging responsable, mahinahon at laging sumunod sa batas. Maraming salamat sa inyong pakikiisa, mga Kabayan!" paalala pa nila.
Sa kaugnay na balita, ilang mga OFW ang naaresto at nadetine sa Qatar matapos ang pagdaraos ng "unauthorized political rallies" kaugnay sa pagdiriwang ng 80th birthday ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands noong Biyernes, Marso 28, 2025.
Tiniyak naman ng Department of Migrant Workers noong Sabado, Marso 29, na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad para sa mga OFW na inaresto dahil dito.