Nasakote ng pulisya ng isang 28 taong gulang na lalaking driver ng isang SUV, matapos mag-viral ang kinasangkutan niyang insidente ng pamamaril sa Antipolo City noong Linggo, Marso 30, 2025.
Ayon sa mga ulat, nauwi sa pamamaril ng suspek ang insidente matapos umanong magkagirian ang suspek at dalawang motorista habang binabaybay ang kahabaan ng Marcos Highway.
Galing umano ang suspek sa isang private resort habang ang mga rider naman ay galing sa Tanay, Rizal.
Sa panayam ng media kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, lumalabas sa imbestigasyon na napilitan daw bumunot ng baril ang suspek matapos maagrabyado nang pagtulungan siya ng mga biktimang rider.
"Nagkaroon ng gitgitan tapos nakita na may pagkamabilis yung black na SUV at nagpang-abot sa coffee shop sa Marilaque area. Una po nagkaroon muna ng suntukan ito. Nang naagrabyado na itong suspek ay siya naman binunot yung kaniyang firearm at ipinutok dito sa biktima," ani Manongdo.
Dagdag pa niya, "Kasama pa dito yung girlfriend n'ya yung ka-live in ng suspek, kasama sa natamaan. Parang nag-panic na siya, hindi na n'ya napigilan na maiputok sa ibang direksyon so maaaring sa direksyon ng kaniyang ka-live in naitutok n'ya yung baril."
Agad na dinala sa ospital ang mga biktima kung saan isa ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon matapos tamaan sa ulo ang 52-anyos na biktima habang tinamaan sa braso ang kaniyang 22 taong gulang na anak. Sa dibdib naman tinamaan ang isang 29 taong gulang na lalaking umawat lamang umano sa gulo, habang sa hita naman tinamaan ang girlfriend ng suspek.
Paliwanag ng suspek, pawang self-defense lang umano ang ginawa niya dahil una raw siyang tututukan ng baril ng biktimang 52-anyos.
Samantala, bagama't lisensyado ang baril ng suspek, wala umano itong kaukulang permit mula sa Commision on Elections (Comelec) dulot ng election period kung saan ipinatutupad ang malawakang gun ban sa buong bansa.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide at violation sa Omnibus Election Code ang suspek.