Aminadong na-trauma si Honeylet Avanceña sa nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula nang arestuhin ito noong Marso 11.
Matatandaang noong Marso 11, nang arestuhin si Duterte dahil sa bisa ng arrest warrant ng ICC dahil sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Nitong Linggo, Marso 30, nakapanayam ni Maharlika si Avanceña sa The Hague, Netherlands.
"Hanggang ngayon para sa akin parang bangungot. Hindi ako makapaniwala. Hindi ko akalain na kapag walang passport ang tao puwede palang dalhin [sa ibang bansa]--pwede pa lang dukutin," saad ni Avanceña.
"Doble ang trauma ko, noong sa Manila pati 'yong sa Davao."
Itinanong ni Maharlika kay Avanceña kung natanggap na ba nila ang pagkakaaresto kay Duterte.
"Reality na 'yon e. Wala siya sa amin e. Ang pinanghahawakan na lang namin dasal na lang kami nang dasal, saka promises ng Panginoon. 'Yon lang. 'Yon lang naman talaga," saad ng common-law wife ng dating pangulo.
Samantala, bagama't walang natatanggap na death threats si Avanceña, hindi aniya siya nakakatulog sa bahay nila.
"Ever since na dumating ako galing from Metro Manila, hindi ako nakakatulog sa bahay namin. Nagpapalipat-lipat ako. So I spared my daughter from such and 'yong maliit na bata namin pinatira ko muna sa iba," ani Avanceña.
"So talagang nagdulot ng traumatic experience 'yong nangyari sa inyo. Paano n'yo po nilalabanan 'yong ganitong klaseng feelings, emotions, may takot syempre, at 'yong mga panggigipit na ginawa not only sa inyo lalo na kay FPRRD na na-witness n'yo po talaga ma'am?" tanong ni Maharlika.
"Alam ito na lang ang inaano ko, Maharlika, tao lang sila may Diyos kami," sagot ni Avanceña. "Sabi nga ni FPRRD, this is only temporary."
KAUGNAY NA BALITA: : TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD