Isang 47-anyos na babaeng pasahero ang nakuhanan ng apat na bala ng baril sa kaniyang hand-carry baggage, sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) sa Lapu-Lapu City.
Batay sa ulat ng GMA Regional TV News, nakita ang mga bagay na kahawig ng mga bala ng baril sa loob ng kaniyang bagahe nang dumaan na ang mga ito sa X-ray para sa security screening, noong Huwebes, Marso 27. Ang nabanggit na pasahero ay palipad tungong Tacloban, Leyte. Napag-alaman ding residente siya sa Lapu-Lapu City at nagtatrabaho umano bilang isang Human Resource (HR) manager.
Agad umanong nagsagawa ng ocular inspection ang mga personnel ng Office of Transportation Security sa kaniyang bag kasama ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Unit. Nakita umano sa loob ng pouch ng kaniyang bag ang apat na bala ng baril.
Hindi naman daw naipaliwanag ng babae ang dahilan kung bakit may mga ammunition siya sa loob ng kaniyang bagahe. Inaresto siya sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at paglabag na rin sa Commission on Elections (Comelec) gun ban.
Sumailalim siya sa inquest proceedings noong Marso 28, 2025 at pinayagan namang magpiyansa, Lunes, Marso 31. Habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa malinaw kung kumpirmadong dala-dala niya ang mga bala o biktima lamang ng tinatawag na "Tanim-Bala."
Kamakailan lamang, muli na namang pinag-usapan ang umano'y pagbabalik ng "Tanim-Bala" sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
MAKI-BALITA: Lalaking magtatrabaho sana abroad, panibagong biktima ng Tanim-Bala?
MAKI-BALITA: 69-anyos na babaeng pasahero, nakaranas umano ng 'laglag-bala' sa airport
MAKI-BALITA: Mga airport personnel na sangkot sa 'laglag-bala,' sinibak sa trabaho!