April 02, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Bakit mahalaga ang pagdiriwang ng Eid'l Fitr sa mga Muslim?

ALAMIN: Bakit mahalaga ang pagdiriwang ng Eid'l Fitr sa mga Muslim?
Photo courtesy: Santi San Juan via MB

Pormal na inanunsyo ng Malacañang na ang Abril 1, 2025 ay special non-working holiday bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng "Eid'l Fitr" (Eid al-Fitr) o Festival of Breaking the Fast, kapistahang hudyat sa pagtatapos ng Ramadan, para sa mga kapatid na Muslim.

KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, idineklarang regular holiday ang Abril 1

Inanusyo ni Bangsamoro Mufti Sheikh Abdulrauf Guialani na magsisimula ang Holy Month of Ramadan sa Pilipinas noong Marso, 2, 2025 dahil hindi raw nakita ang crescent moon noong Biyernes ng gabi, Pebrero 28.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Hindi nakita ang crescent moon’: Ramadan, magsisimula sa Marso 2

Mga Pagdiriwang

Malacañang, idineklarang regular holiday ang Abril 1

Lunes, Marso 31, nagtipon-tipon ang mga Pilipinong Muslim partikular sa Quezon City Memorial Circle sa nabanggit na lungsod upang isagawa ang kanilang pagdarasal para sa pagdiriwang.

Ang Eid’l Fitr ay isang regular holiday batay sa Republic Act No. 9177 na ang may-akda sa Senado ay si Senador Loren Legarda.

Sa bersyon nito sa House of Representatives, ang mga may-akda naman ay sina dating Sulu Representative Gerry Salapudin, ng Mindanao; Nur Jaafar, ng Tawi-Tawi; Munir Arbison, ng Sulu; Banasing Macarambong, ng Lanao del Sur; at Mamintal Adiong, ng Lanao del Norte.

Mula nang maisabatas ang RA 9177, ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr ay naging national holiday. Layunin nitong mapalawak ang kultura ng pagkakaunawaan at pagkakaisa. Kahit ang mga Kristiyano ay puwede ring makiisa rito kaya kasama rin sa non-working holiday.

Ang salitang Eid’ Fitr ay hango sa salitang Arabic na EID at AL FITR. Ang EID ay nangangahulugang busilak, at ang kahulugan naman ng AL FITR ay fast breaking o pagtatapos ng pag-aayuno. Kapag pinagsama ay nangangahulugan ng kapistahan o pagdiriwang.

Ang Eid’l Fitr ay isa sa mahahalagang okasyong panrelihiyon sa Islam, na ang mga Muslim, bilang bahagi ng pagdiriwang, ay nagbibigay at nagbabahagi ng pagkain sa hikahos o naghihirap na kapitbahay, mga kamag-anak, at kaibigan. Nag-aalay rin sila ng panalangin para sa kapayapaan at pagkakaisa ng pamayanan. At katulad ng Pasko ng mga Katoliko, ang mga batang Muslim ay nakatatanggap ng regalo mula sa kani-kanilang mga magulang at mga kamag-anak.

Ang pagbibigay ng regalo ay bahagi ng kanilang papuri kay Allah, tawag sa kanilang Diyos, sa lahat ng mga biyayang kanilang natanggap.

Idinaraos ang Ramadan taon-taon ng mga Muslim sa buong daigdig, kabilang na sa Pilipinas. Bagama't mahirap, ginagawa nila ang Ramadan bilang pagsuko sa Panginoon. Pagtupad ito sa utos ng Dakilang Allah na nakasulat sa Koran - ang katumbas sa Bibliya ng mga Muslim. Ang kahalagahan ng pag-aayuno ay pagbuo ng kamalayan kay Allah sa puso at kaluluwa ng mga nag-aayunong Muslim.

Ayon sa artikulo ng isang manunulat na Muslim na si Norshaimah Bantuas na may pamagat na "FIRST PERSON: Ang kinamulatan kong Eid al-Fitr" na inilathala ng GMA News Online noong Hulyo 17, 2015, ang binibigkas nila sa tuwing dumarating ang pagdiriwang na ito ay "Happy Eidl al-Fitr, Eid Mubarak!"

"Pitra" daw ang tawag sa pagbibigay ng tulong sa mahihirap na kapitbahay, at sila raw, ay pera at bigas ang itinuro sa kanilang maaaring ipamigay.

Kagaya ng Pasko sa mga Kristiyano, ito rin daw ang araw kung saan nagkakasama-sama ang mga magkakamag-anak o tinatawag na "family reunion."

Bukod sa pagsasaya, hindi dapat matapos ang Eid'l Fitr na hindi sila nakapagdarasal. Tinatawag daw nila itong "Sallatul Eid al-Fitr."