Iginiit ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco Marbil na nakakaapekto umano ang social media upang magmukha raw malala ang krimen sa social media.
Sa inilabas na pahayag ng PNP sa kanilang opisyal na Facebook page noong Sabado, Marso 29, 2025, nanindigan si Marbil na bumaba raw ang crime rate sa bansa.
“Malinaw sa ating crime data na bumababa ang bilang ng mga insidente, ngunit dahil sa lawak ng exposure ng ilang kaso, lalo na sa social media, nagmumukhang lumalala ang kriminalidad,” ani Marbil.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan umano ng tamang pagpapalaganap ng tamang impormasyon.
“Dapat natin itong harapin sa pamamagitan ng maagap at responsableng pagpapalaganap ng tamang impormasyon,” saad ni Marbil.
Hinggil sa pagsugpo aniya ng pagka-alarma ng publiko mula sa mga nababasa sa social media, saad ni Marbil, “Sa huli, ang public safety ay hindi lang tungkol sa statistics—ito ay tungkol sa kung ano ang nararamdaman ng ating mga kababayan.”
Nanawagan din si Marbil sa publiko na makiisa sa pagpapalaganap ng tamang pananaw sa seguridad ng bawat komunidad.
“Kung magtutulungan tayo, masisiguro natin na ang pananaw ng publiko ay tugma sa tunay na sitwasyon, at mas mapapalakas natin ang tiwala at seguridad sa ating mga komunidad,” aniya.