April 01, 2025

Home BALITA National

LPA sa loob ng PAR, magpapaulan sa ilang bahagi ng PH – PAGASA

LPA sa loob ng PAR, magpapaulan sa ilang bahagi ng PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/FB screengrab

Malaki ang tsansang magdudulot ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Linggo, Marso 30, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa weather forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, inihayag ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA 330 kilometro ang layo sa kanluran ng Cuyo, Palawan.

Inaasahang magdadala ang LPA ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan sa thunderstorms sa Western Visayas at MIMAROPA.

Nananatili naman daw na maliit ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA.

National

Atty. Nicholas Kaufman, nagbabalak mag-file ng 'interim release' para kay FPRRD

Paliwanag ni Badrina, sa buwan ng Marso pinakakaunti ang nabubuong bagyo dahil “hindi pa ganoon kainit ang karagatan dito malapit sa ating bansa kaya hindi pa ganoon nabubuo ang bagyo.”

“Kailangan kasi ng mainit na karagatan para mabuo, isa yun sa mga mahalagang katangian o sangkap para mabuo ang mga bagyo,” dagdag niya.

Bukod naman sa LPA, inaasahang magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Eastern Visayas, Bicol Region, at Quezon.

Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang northeasterly windflow, o ang hanging galing sa hilagang-silangan, ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dulot pa rin ng easterlies.