Ibinunyag ng dating chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) Liza Diño-Seguerra na ang mga nawawalang items sa kaniyang checked-in luggage ay isang mamahaling relo at laptop niya.
Mababasa sa Facebook post ni Ice Seguerra, mister ni Liza, noong Miyerkules, Marso 26, na may items daw na nawawala sa isang box at maleta ng kaniyang asawa. Hindi naman tinukoy ng singer kung anong items ang tinutukoy niyang nawawala.
"Hello NAIA 1! Kakarating lang ng asawa ko from the US via PAL flight. May nawawala pong dalawang items sa loob ng box at maleta niya. Pwede kaya makausap yung security niyo diyan? Para ma check yung mga lost items," aniya.
Sa panayam kay Liza at Ice sa TeleRadyo Serbisyo isinalaysay ni Liza ang mga pangyayari simula nang makalapag siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 mula sa flight sa San Francisco, California, USA, hanggang sa matuklasan nilang nawawala ang laptop at relong Apple Watch Ultra 2 sa loob ng kaniyang bagahe.
Nang makuha kasi nila ang maleta, hindi na raw muna nila tiningnan ang loob dahil kampante namang walang nawala. Pagdating daw sa bahay, saka nila natuklasang nawawala ang dalawang nabanggit na items. Napansin naman ni Ice na parang may hiwa ng kutsilyo ang maleta ni Liza.
Paliwanag pa ni Liza, kaya niya inilagay ang laptop na nawala sa loob ng maleta ay dahil may tatlong laptops na siya sa kaniyang backpack na dala-dala niya sa loob ng eroplano. May limit lamang daw ang timbang ng bagahe na puwedeng dalhin sa loob ng eroplano o tinatawag na "hand-carry."
Agad daw nakipag-ugnayan sa kanila si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon upang maresolba ito, subalit sa loob ng halos dalawang araw, hindi pa rin natukoy kung sino ang kumuha ng dalawang items na ito, kahit na na-check na ang CCTV footage sa baggage area, at na-body search na rin ang staff na naka-duty nang mga sandaling iyon.
Babayaran umano ng pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) ang mamahaling relo na nagkakahalagang 1,000 US$ subalit hindi babayaran ang nawalang laptop.
Hinikayat naman ng mag-asawa ang mga awtoridad sa airlines at airport na mas paigtingin pa ang seguridad para sa mga gamit ng mga pasahero nila.
KAUGNAY NA BALITA: Ice Seguerra, umapela sa NAIA Terminal 1 matapos mawalan ng items sa bagahe