Hinikayat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang mga tagasuportang huwag makialam sa kaniyang kasong “krimen laban sa sangkatauhan” sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Vice President Sara Duterte.
"Sinabi niya na huwag tayo makialam sa kanyang kaso sa International Criminal Court," ani VP Sara sa isang panayam na inulat ng Manila Bulletin nitong Linggo, Marso 30.
"Kung gusto ninyo ipahayag ang inyong pagsuporta... ang inyong galit na nararamdaman o kung kasiyahan... sabi niya, huwag natin pag-usapan ang kaso, lalong-lalo na pagdating sa mga complainants o reklamo na nandiyan sa loob sa International Criminal Court," dagdag niya.
Ayon pa sa bise, sinabi raw ni FPRRD na mas mabuting asikasuhin ng kaniyang legal team at maging korte ang proceedings ng kaniyang kaso nang walang impluwensya mula sa labas.
Samantala, binanggit din ni VP Sara na hinikayat naman daw ng dating pangulo ang kaniyang mga tagasuporta na suportahan ang kanilang senatorial candidates sa ilalim ng PDP-Laban sa darating na 2025 midterm elections.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si FPRRD dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Nakatakdang isagawa ang confirmation of charges hearing ng dating pangulo sa ICC sa Setyembre 23, 2025.
BASAHIN: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025