Nagpaabot ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa lahat ng mga Pilipinong nakiisa umano sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes, Marso 28, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: 'Love, good health at happiness,' hiling ni VP Sara para kay FPRRD
Sa isang video message sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Marso 29, nagpasalamat siya sa mga Pinoy mula sa loob at labas ng bansa.
"Aking taos pusong pasasalamat sa lahat ng mga Pilipino na sumusuporta at nagmamahal kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa mga kababayan natin sa Pilipinas, The Netherlands at iba't ibang panig ng mundo, napakalaking bagay para kay Pangulong Duterte ang pagtitipon ninyo para sa kaniyang pag-uwi at kaarawan,” ani VP Sara.
Dagdag pa niya, “Maraming salamat at napapagaan nito ang mga hamon na hinaharap n’ya ngayon.”
Iginiit din ni VP Sara na buo umano ang loob ng kaniyang ama at dating Pangulo sa pagharap nito sa kaniyang nakabinbing kaso sa International Criminal Court (ICC).
KAUGNAY NA BALITA: : TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
“Alam din ni Pangulong Duterte na haharapin n’ya ang ICC na kasama ang lahat ng mga Pilipino sa iba't ibang panig ng mundo, lalo na ang mga kababayan natin sa Pilipinas,” anang Pangalawang Pangulo.