Inihayag ni Vice President Sara Duterte ang mensahe umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa detention center ng International Criminal Court (ICC).
Sa pagharap ni VP Sara sa kanilang mga tagasuporta sa The Hague sa Netherlands noong Marso 28, 2025, ibinahagi niya ang bilin umano ng dating Pangulo hinggil sa papalapit na eleksyon.
“Sinabi n'ya 'bantayan natin ang ating boto.' Dahil ang mga tao na desperado ay kung ano-anong pandaraya ang naiisip para lang manalo sila. Kailangan daw ay bantayan natin ang ating boto at paniguraduhin natin na tama ang pagkabilang ng mga boto ng ating mga senators,” ani VP Sara.
Matatandaang kamakailan lang nang ibahagi rin ni VP Sara ang umano’y agam-agam ng kaniyang ama dahil umano sa posibleng dayaan sa eleksyon at kung makakabalik pa raw siya ng bansa dahil sa kaniyang kandidatura bilang alkalde ng Davao City.
“Tinanong niya kung papaano siya makakabalik dahil nga meron din siyang eleksyon sa Davao City. So, iyon yung napag-usapan kanina, iyong kampanya at eleksyon na nangyayari sa ating bayan. At nag-express din siya ng fears niya, apprehensions niya, sa baka merong mangyaring dagdag-bawas, iyong mga ganoon na mga usapan sa eleksyon, sa halalan,” ani VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara
Samantala, kaugnay naman ng kaniyang pagtakbo bilang alkalde, nauna na ring linawin ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nila itinuturing na diskwalipikado ang nasabing kandidatura ng dating Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, kandidato pa rin sa pagka-Davao City mayor kahit inaresto ng ICC