Tila nakakabigla ang transition ng karakter nina Kapuso artists Sanya Lopez at David Licauco mula sa seryosong seryeng “Pulang Araw” at ngayon ay comedy film na “Samahan ng mga Makasalanan.”
Inilabas na ng GMA Picture ang official trailer ng nasabing pelikula noong Huwebes, Marso 27, na ang kuwento ay nakasentro sa batang deacon na si Sam (David) na nadestino sa bayan ng mga taong makasalanan.
May mga basagulero, tsismosa, prostitute, at kung ano-ano pa. At sa huling part ng trailer, makikita ang eksena nina David at Sanya.
Nasa sofa si David habang si Sanya naman na bikini lang ang suot ay bahagyang nakapatong sa kaniya. Napa-krus na lang tuloy ang leading man ng pelikula.
Sa ginanap na media conference noon ding Huwebes, naibahagi ni David ang naramdaman niya sa bikini scene ng leading lady niya.
“Parang nahiya ako for Sanya, 'yong parang naka-bikini ba 'yon. 'Yong naka-bikini siya parang 'Shucks, nakakahiya.' Parang ang hirap ng ginagawa niya ngayon, a,” saad ni David.
Mapanood sa mga sinehan sa bansa ang “Samahan ng mga Makasalanan” simula Abril 19.