March 31, 2025

Home BALITA National

Sen. Robin, napatunayan pagiging ‘maginoo’ ni FPRRD nang bigyan siya ng ‘absolute pardon’

Sen. Robin, napatunayan pagiging ‘maginoo’ ni FPRRD nang bigyan siya ng ‘absolute pardon’
Senador Robin Padilla at Dating Pangulong Rodrigo Duterte (FB;file photo)

“Hindi po yun naibigay ng ibang pangulong pinagsilbihan ko…”

Bilang pagpapaabot ng pagmamahal sa kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, inalala ni Senador Robin Padilla ang naging pagkakaloob sa kaniya ng “absolute pardon” noong 2016, kung saan dito raw niya napatunayan ang pagiging “tunay na maginoo” umano ng dating pangulo.

Sa kaniyang talumpati sa isang pagtitipon sa The Hague Netherlands para sa kaarawan ni Duterte nitong Biyernes, Marso 28, sinabi ni Padilla na hindi raw siya bayad at humingi ng kapalit nang ikampanya niya ito bilang pangulo noong 2016 elections.

“Wala po ako hininging pera kahit kanino. Hindi ako bayad. Gastos ko po lahat. Yung mga pinagpagawa ko ng t-shirt, pagbili ko ng ticket, hotel, lahat po ‘yan gastos ko,” aniya.

National

VP Sara, hiniling ‘kapayapaan sa puso, liwanag sa diwa, at kasiyahan’ para sa mga Muslim

“At noong nanalo po si Digong, wala po akong hininging kapalit. Wala po kayong narinig na ako ay ipinuwesto sa gobyerno. Wala po, na ako’y may hininging kontrata… Ang pamamahal ko kay Digong ay galing sa puso ko, hindi galing po sa interes,” dagdag niya.

Samantala, binanggit din ng senador na napatunayan daw niya ang pagiging “tunay na maginoo” ni Duterte nang bigyan siya nito ng “absolute pardon.”

“Ang sabi ni Digong, kailangan mong magkaroon ng pangalawang buhay. Pangalawang tsansa, kasi alam n’yo naman, ex-convict po tayo. Nakulong po ako, tatlong taon at kalahati. Kaya nararamdaman ko po kung ano yung nararamdaman ni Digong,” ani Padilla.

“Maraming mga kasamahan po nagtatanong sa akin, bakit ba masyado kang apektado? Kasi naramdaman kong mangulungan. Alam ko ang pakiramdam ngayon ni Digong. Na birthday mo, nag-iisa ka. Nasa malamig na lugar. Iniisip niya paano niya makikita ang kaniyang pamilya,” dagdag niya.

Binanggit din ng senador na sa lahat umano ng naging pangulo ng bansang “pinagsilbihan” niya, si Duterte lamang daw ang nakapagbigay sa kaniya ng absolute pardon.

“Hindi po yun naibigay ng ibang pangulong pinagsilbihan ko. Meron din naman po akong mga ibang pangulo na pinagsilbihan, tulad nina Fidel Ramos, Gloria Macapagal-Arroyo, lahat po ‘yan pinagsilbihan ko. Pero si Digong lang po ang nakaisip na bigyan ako ng absolute pardon,” saad pa ni Padilla.

Matatandaang nakulong si Padilla dahil sa kasong illegal possession of firearms noong 1994.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands si Duterte dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD