March 31, 2025

Home FEATURES

OFW na may kapatid na biniktima umano ng adik, 4 na oras bumibyahe sa The Hague para kay FPRRD

OFW na may kapatid na biniktima umano ng adik, 4 na oras bumibyahe sa The Hague para kay FPRRD
Photo courtesy: Inday Jerseymae/Facebook

“It's not only the work, but it's like he's giving his heart to the people.” 

Mahigit dalawang linggo, matapos tuluyang maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) at madala siya sa detention center sa The Hague sa Netherlands, libo-libong tagasuporta niya ang nagpakita ng pagsuporta, sa loob at labas ng bansa. 

Kasabay ng malawakang kilos-protestang inilunsad sa Pilipinas, ay ang pagboses ng ilang Overseas Filipino Worker (OFW), partikular na sa Netherlands, kung saan pansamantalang nananatili ang dating Pangulo.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa isang OFW na si Mitch, 39 taong gulang mula sa Quezon City, at nagtatrabaho bilang caregiver sa loob ng anim na taon sa Amersfoort, Netherlands, ibinahagi niya ang ilan sa mga karanasan ng OFW na nakikiisa sa protesta na maibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Duterte at kung paano niya raw patuloy na pinanghahawakan ang paniniwala sa dating Pangulo mula nang siya ay nasa Pilipinas pa. 

Human-Interest

ALAMIN: 11 salitang Pinoy na nakabilang na sa Oxford dictionary

Kuwento ni Mitch, bilang isang OFW, sa dating Pangulo lamang daw nila naramdaman ang malasakit mula sa gobyerno ng Pilipinas. 

“Siya lang yung nakita namin na nagkaroon ng sobrang malasakit. Oo may nagagawa naman yung ibang administration, pero doon sa kaniya, makikita mo yung ano, It's not only the work, but it's like he's giving his heart to the people,” ani Mitch.

Kaya naman hindi rin daw siya nagdalawang-isip na makiisa sa kilos-protestang ikinasa ng kapwa-OFWs bagama’t apat na oras ang biyahe niya papuntang The Hague at pabalik ng Amersfoort.

“Hindi na ako makatira sa The Hague, malayo na ako, two hours pa ako from The Hague. So talagang sinadya ko ‘yon, sabi ko ‘ay I wanted to join to show my support,’ and ayun nga makikita mo talaga yung mga efforts niya sa OFWs,” ani Mitch.

Bukod dito ang mas malalim pa raw na dahilan ng kaniyang pagsuporta sa dating Pangulo ay ang paglulunsad nito ng kampanya kontra droga. Ani Mitch, ang kaniyang kapatid ay nawalan ng magandang kinabukasan, matapos mabaril ng umano’y isang adik sa kanilang lugar at na-bedridden.

“Yung kuya ko ang biktima ng adik. Binaril siya ng adik. Which yung kuya ko, walang bisyo, mabait, nagtatrabaho lang at that time. Napagtripan lang ng adik. Binaril siya sa spinal cord. So ayun, kung siguro hindi nangyari yun, yung kuya ko may sarili ng pamilya, may sarili ng buhay,” ani Mitch.

Dagdag pa niya, “Na-comma siya for couple of weeks, tapos naka-survive but he become bedridden for so long, like 10 years. Nangyari yun he was like 19 years old lang. So talagang  nanakaw yung kabataan niya.”

Kaya naman para kay Mitch, kung may nagawa man daw na pagkakamali si Duterte, hiling niya na sana ay litisin na lamang daw ito sa Pilipinas. 

“Kung mapaparusahan siya and the court find it guilty, diyan na lang siya ikulong o parusahan, hindi dito,” ani Mitch.

Kaugnay ng pagpapakita niya at ng ilang Pinoy ng suporta kay Duterte sa Netherlands, inilarawan din niya kung ang kanilang kalayaan na personal maipahayag ang kanilang saloobin, mula noong madala ang dating Pangulo sa The Hague, kahit na sila ay nasa ibang bansa, bagay na malaking pagkakaiba sa Pilipinas. 

“Nawindang ang buong Netherlands, ang Dutch people sa nangyari kasi, ang Dutch community o ang Netherlands po talaga ay tahimik na komunidad. Ang mga tao dito ay walang pakialam sa isa't isa. I mean 'mind your own business.' Kahit na may mga anti-Duterte dito, walang bangayan na nangyayari, kahit na sa social media. Not unlike sa Pilipinas, na talagang... oh my god! They take it personally. They really don't respect your opinion na 'this is my opinion. I respect yours, you respect mine.' Walang gano'n sa Pilipinas. Dito, we mind our own business talaga,” saad ni Mitch.

Ngunit, bago pa man siya maging kaisa ng mga Pilipinong nagpapakita ng suporta sa kay Duterte, pagbabahagi niya, sa Pilipinas pa lamang daw ay naramdaman na niya ang nagawa nito para sa bansa. 

“Before ah, to be honest, kasi call center agent ako. Sometimes, 'pag day-off ko, I go out with my friends na 'pag 2AM, 3AM hindi na ako uuwi ng bahay. Nag-stay na lang ako sa mga 24/7 na stores, na 24/7 na fast food chains para mga 5 or 6 na ako uuwi para safe. But during the Duterte time, nakakauwi at that time, 1 or 2am walang problema, nakakapaglakad ako sa kalye namin,” saad ni Mitch. 

Nagbigay din ng mensahe si Mitch para sa ika-80 kaarawan ng dating Pangulo na nagdiriwang sa loob ng detention center ng ICC.

“Para sa kaniya, ayun, makauwi siya ng Pilipinas. Makauwi siya ng Pilipinas, kasi ayun nga sabi ko, kung may kasalanan man talaga siya, puwede naman siyang litisin diyan sa Pilipinas. Puwede naman siyang diyaan ikulong o i-house arrest. Bakit naman yung ibang politicians before ‘di ba? Na-house arrest sila, may mga sakit,” saad ni Mitch. 

Bukod sa mensahe para sa dating Pangulo, may mensahe rin siya para naman sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. 

“Just be fair. Just be fair na lang. Para huwag tayong, ‘di tayo magkakagulo. Hindi magkaroon ng alitan sa isa't isa. Alam ko ginagawa nila yung trabaho nila pero let just be fair…bawat Pilipino. Hindi lang kay Pangulong Duterte, sa lahat ng Pilipino. So hindi lang sa mga ganiyang sitwasyon, pero sa lahat. OFW man o hindi, let's be fair na lang,” aniya. 

Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwalang politikal ng mga Pilipino, sa loob at labas man ng bansa, para kay Mitch, nananatiling mataas ang respeto niya sa opinyon ng bawat isa. 

"Magpakumbaba na lang tayo, kasi kung papatulan mo lalong gugulo. Lalong gugulo. Kung ako kasi may mga basher, I let it be, opinyon nila 'yan, opinyon ko 'to. Ayoko kasi ng nakikipagtalo, para ano na lang, peaceful na lang tayo. So I hope gano'n din sa Pilipinas," aniya.