Bilang pagbati sa ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ibinahagi ni National Artist for Film and Broadcast Nora Aunor na isa rin daw siya sa mga nalungkot dahil sa nangyari sa dating pangulo.
Kasalukuyang nasa International Criminal Court (ICC) si Duterte para sa kaso niyang "crimes against humanity."
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Samantala, sa isang Facebook post, nagbigay-mensahe ang aktres para sa dating pangulo na nagdiriwang ng kaarawan ngayong Biyernes, Marso 28. Hangad, aniya, ang katatagan ng loob.
"HAPPY 80th BIRTHDAY po TATAY DIGONG! Sa araw po ng iyong kaarawan hangad ko po at hangad po naming lahat na nagmamahal sa inyo na bigyan pa po kayo ng Poong Maykapal ng KATATAGAN ng LOOB. Maging malakas pa po ang inyong katawan , at maging isipan. Upang malagpasan po ang anumang pag subok na na nangyayari po sa inyo diyan sa Netherlands," ani Aunor.
"Isa po ako sa milyong kababayan po natin ang nanalangin sa inyong agarang pagbabalik dito sa ating Bayan. ISA rin po ako sa mga nalulungkot dahil sa nangyari sa inyo . Gayunpaman, alam ko po na ito ay inyong malalagpasan dahil malinaw naman po sa aming lahat ang inyong mga nagawa at pagmamalasakit ay para lamang sa ating Bayan! Umaasa po kaming lahat na makakapiling ka namin dito sa Bayan mong minahal na sobra," dagdag pa niya.
Pinasalamatan din niya si Duterte dahil sa pagkakaloob sa kaniya ng National Artist Award noong 2022.
Hindi rin daw makalilimutan ni Ate Guy na sinabihan siya ni Duterte ng "kapag may kailangan ka nasa Davao lang ako."
"Ang salita mo pong ito ang nagpapatunay sa akin kung gaano po kayo kabuti at may pagmamalasakit sa lahat. Maraming salamat po at Gabayan ka po ng Poong Maykapal. Happy 80th Birthday pong muli. Hintayin po namin ang iyong Pagbabalik!"