Baybay City, Leyte — Buong pusong ipinahayag ni senatorial aspirant Camille Villar ang kanyang suporta sa karapatan ng kababaihan at pagtutulak ng mas inklusibong lipunan sa culminating activity ng 2025 National Women’s Month Celebration na ginanap nitong Miyerkules sa lungsod ng Baybay.
Sa harap ng mga lokal na opisyal at daan-daang dumalo sa selebrasyon, binigyang-pugay ni Villar ang mga kababaihang patuloy na nagbibigay ng mahalagang ambag sa kani-kanilang tahanan, pamahalaan, at propesyon.
“Ang kababaihan ay hindi lamang mga tagapag-alaga ng tahanan. Sila rin ay lider, manggagawa, at tagapagbuo ng kinabukasan ng ating mga komunidad,” ani Villar sa kanyang talumpati.
Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa Philippine Councilor’s League Chapter President Carmen Cari, Mayor Boy Cari, Vice Mayor Ernesto Butawan, Rep. Carl Nicolas Cari, at iba pang mga opisyal sa pag-imbita sa kanya at sa kanilang suporta sa mga programang nakatuon sa kababaihan.
Binigyang-diin ni Villar na ang pag-unlad ng isang lungsod ay hindi makakamit kung hindi kikilalanin at bibigyang-lakas ang mga kababaihan. Aniya, “Ang mga babae ay hindi lang ilaw ng tahanan, kundi liwanag rin ng ating bayan.”
Dagdag pa ni Villar, hindi sapat ang isang buwan upang maipakita ang tunay na halaga ng kababaihan sa lipunan. Hinikayat niya ang mga babae na patuloy na mangarap, lumaban, at makilahok sa mga desisyong panlipunan at pampulitika.
Bilang bahagi ng kanyang legislative agenda, muling isusulong ni Villar ang mga panukalang batas na magbibigay ng proteksyon sa kababaihan, kabilang na ang Pregnant Women Welfare Act at Equal Maternity Protection Act, sakaling mahalal sa Senado sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Ang kanyang mensahe ay muling nagpapaalala na ang pagkakapantay-pantay at karapatan ng kababaihan ay hindi lamang isinisigaw tuwing Marso—ito ay adbokasiyang dapat isabuhay araw-araw.