Ngayong Rabies Awareness Month, nagbigay si Vice President Sara Duterte ng mga hakbang para “maprotektahan ang ating pamilya, alagang hayop, at komunidad laban sa rabies.”
Sa kaniyang video message nitong Huwebes, Marso 27, binanggit ni Duterte na umaabot sa 200 hanggang 300 Pilipinas ang namamatay taon-taon dahil sa rabies.
“Naipapasa ang rabies sa pamamagitan ng kagat o kalmot ng hayop na rabid o infected ng rabies virus,” anang bise presidente.
Kaugnay nito, sinabi ni Duterte na mahalagang unang hakbang bilang proteksyon kontra rabies ang pagpapabakuna sa mga alagang hayop.
“Siguraduhing regular silang nabibigyan ng anti-rabies vaccine,” aniya.
Pangalawa, anang bise, “maging responsableng pet owners.” Hinikayat ni Duterte ang publikong tiyaking matatanggap ang kanilang mga alaga ng sapat na nutrisyon at hindi maging pagala-gala sa lansangan.
“Pangatlo, Iwasan ang ligaw o mailap na hayop. Huwag lumapit o makipaglaro sa mga aso, pusa, at iba pang hayop na hindi ninyo pag-aari dahil maaaring infected sila ng rabies virus. Ipaliwanag ang kahalagahan nito sa ating mga anak,” dagdag niya.
Samantala, sinabi rin ni Duterte na pang-apat na mahalagang hakbang para maging protektado laban sa rabies ang agarang paghugas sa sugat gamit ang sabon at malinis na tubig sa loob ng 15 minuto, kung sakaling makagat o makalmot ng aso o pusa.
“Magtungo rin agad sa pinakamalapit na health center para masuri ng health professionals,” saad ng bise presidente.
“Makiisa tayo sa pagsasagawa ng mga aktibidad at kampanya upang palawakin ang kaalaman para sa isang rabies-free Philippines,” dagdag pa niya.