Binira ni reelectionist Senator Imee Marcos ang usapin ng soberanya ng bansa tungkol umano sa mga paglabas-pasok ng Tsina at Amerika sa Pilipinas, gayundin ang pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa press briefing nitong Huwebes, Marso 27, 2025, iginiit ng senadora kung may natitira pa umano para sa Pilipinas.
"Mas lalo tayong nagagalit kasi labis-labis na ang dagok sa ating soberanya. Nababalitaan natin, labas-pasok ang Amerika. Kahit hindi EDCA sites, sangkatutak pa daw ang typhon missiles ang pinapasok. Labas-pasok din ang Tsina sa ating karagatan at sa West Philippine Sea. Ngayon dinadampot na lamang ang mamamayang Pilipino at dinadala sa The Hague. May natitira pa ba sa bansang Pilipinas? Nakakaawa naman tayo kung ganiyan,” ang senadora.
Ang naturang pahayag ng senadora ay kaugnay pa rin ng kaniyang pagpuna hinggil sa umano’y ilegal daw na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte dahil umano sa kawalan ng jurisdiksyon ng ICC sa bansa.
Matatandaang noong Marso 20 nang pangunahan ng senadora ang imbestigasyon ng Senado sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte at nilinaw din niya na wala umanong kinalaman ang kaniyang kandidatura at pangangampanya sa nasabing imbestigasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, tinawag na ‘pang-aalipin’ ang ‘hustisyang ipinapataw ng dayuhan’