March 31, 2025

Home FEATURES

Pinay green card holder na 50 taon na sa US, hinuli ng ICE matapos magbakasyon sa ‘Pinas

Pinay green card holder na 50 taon na sa US, hinuli ng ICE matapos magbakasyon sa ‘Pinas
Courtesy: Freepik

Isang 64-anyos na Pilipinang green card holder, na 50 taon nang naninirahan sa United States (US), ang dinitene ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) habang pabalik sa kaniyang tahanan sa Seattle, Washington, mula sa kaniyang bakasyon sa Pilipinas.

Base sa mga ulat, umuwi ng US ang Pilipinang si Lewelyn Dixon noong Pebrero 28, 2025 mula sa ilang linggong pagbabakasyon sa ‘Pinas kasama ang kaniyang pamilya.

Samantala, hinarang daw siya ng ICE at dinala sa ICE facility sa Tacoma, kung saan kasalukuyan pa rin siyang nasa kustodiya roon.

Noong Marso 2 lamang umano nabalitaan ng pamilya ang nangyari kay Dixon.

Human-Interest

ALAMIN: 11 salitang Pinoy na nakabilang na sa Oxford dictionary

Ayon sa pamangkin niyang si Emily Cristobal, ilang beses nang nag-renew ng kaniyang green card si Dixon at ang pinakabago raw nitong pag-renew ay noon lamang 2022, kaya’t malalaman naman daw sana nila kung nagkaroon ito ng rekord tungkol sa kaniyang citizenship.

Sinabi naman ng isa pang pamangkin ng Pinay na si Melania Madriaga na lahat ng kanilang pamilyang lumipat sa US 50 taon na ang nakararaan ay naging citizen na ng naturang bansa sa pamamamagitan ng “naturalization.” Ngunit tanging si Dixon daw ang hindi nagsuko ng kaniyang Filipino citizenship dahil sa kaniyang pangako sa kaniyang lolo na manatiling Filipino citizen upang maprotektahan din ang mga ari-arian ng kanilang pamilya sa Pilipinas.

Samantala, sinabi naman ng abogado ni Dixon sa isang ulat na nagkaroon ang Pinay ng “embezzlement conviction” noong 2001, at ito raw ang “nag-trigger” ng kaniyang pagkaditine. Giit naman ng abogado, nakapaglakbay naman muli ang Pinay sa labas ng US mula noon at hindi ito nagkaroon ng kahit anong isyu. Nakatanggap na rin daw siya ng 30 araw na confinement sa Pioneer Fellowship House, at $6,400 na multa nang mga panahong iyon, at hindi kailanman ibinilanggo. 

Nangyari ang naturang pagdetine kay Dixon matapos ang immigration crackdown ni US President Donald Trump, kung saan inihayag niya ang kaniyang intensyong ipatupad ang 1798 law o ang Alien Enemies Act na naglalayong pahintulutan ang pangulong idetine o i-deport ang mga non-citizen na itinuturing na “kaaway” ng US.

Kasalukuyan umanong nagtatrabaho ang pamangkin ni Dixon na si Cristobal sa ilalim ng opisina ni Hawaii State Rep. Tina Grandinetti, na hayagang kritiko sa immigration crackdown ng Trump administration.

Sa isa namang panayam ng ANC na inulat ng PTV noong Martes, Marso 25, tinawag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na “unfortunate” ang nangyari kay Dixon.

“She has already taken in lawyers to be able to help her—they have a very good case of being able to keep her green card and remain in the United States because she already served basically whatever it was,” aniya.

Sa kabila nito, ipinaliwanag din ni Romualdez na ang pagkakaroon ng green card ay medyo iba sa pagkakaroon ng permanent status. Karaniwan daw na nagsisilbi lamang bilang isang "pribilehiyo" ang green card para pahintulutan ang isang taong may hawak nito na manatili sa US, at madali itong kanselahin ng gobyerno anumang oras.

Nakatakda ang hearing ni Dixon sa darating na Hulyo.