Hinamon ng Malacañang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na patunayan ang kaniyang mga akusasyon hinggil sa umano'y anomalya sa General Appropriations Act (GAA).
Sa press briefing nitong Huwebes, Marso 27, 2025, humingi si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ng ebidensya na magpapatunay umano sa mga paratang ni Magalong.
"Nais po natin, kay Mayor Magalong, ibigay po ang mga ebidensiya. Bigyan n’ya rin po kami dito sa PCO para malaman natin kung may katotohanan ba ang bintang na ito. Mahirap po kasi na ang bintang po ay pangkalahatan pero hindi naman po naibibigay ang pinakadetalye kasi makakasira po ito sa imahe ng gobyerno, sa pamahalaan; makasisira rin po ito sa lahat ng mga pulitiko na ang karamihan naman po ay inosente,'' ani Casto.
Matatandaang kamakailan lang nang ilahad ng alkalde na nakakatanggap na umano siya ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay matapos niyang isiwalat ang umano'y katiwalian at korapsyon sa House of Representatives (HOR) gayundin ang ginawa umanong pagbabago ng ilang Kongresista sa na 2025 national budget.
KAUGNAY NA BALITA: Mayor Magalong, may ‘death threats’ matapos isiwalat umano’y korapsyon sa HOR
Tinawag din ni Magalong na pawang "election fund" umano ang 2025 national budget na dinaya raw ng ilang mga opisyal.
“Kita mo yung mga nilagay na pondo doon eh obviously election fund yung ginawa sa GAA 2025,” ani Magalong.
Samantala, dagdag pa ni Castro, "So kung mayroon pong ebidensya, ito naman po ay may kaso na patungkol po sa GAA at sa enrolled bill, magbigay na lang po siya ng ebidensya doon para kung mayroon pong issue ay mas maliwanag."
Nagbigay din ng payo si Castro hinggil sa nasabing death threat umanong natatanggap ng Magalong.
"Kung mayroon pong death threats sa kaniya, hindi po natin alam kung saan ito galing. Kung mapapatunayan din po n’ya na ito ay galing sa kaniyang ‘di umanong pag-i-expose dito sa election fund patungkol sa GAA, mas maganda po dati naman din po siya na naging parte ng Philippine National Police (PNP), magaling naman po siyang mag-imbestiga, ibigay lamang po niya ang lahat ng ebidensya at tayo ay tutulong kung totoong may death threats," saad ni Castro.