March 31, 2025

Home BALITA Eleksyon

Mayor Vico, 'nakipagkamay sa hangin' dahil 'di dumalo kalaban sa peace covenant signing

Mayor Vico, 'nakipagkamay sa hangin' dahil 'di dumalo kalaban sa peace covenant signing
photo courtesy: Mayor Vico Sotto/FB

Dumalo si Pasig City Mayor Vico Sotto sa isinagawang Peace Covenant, isang araw bago ang opisyal na kampanya ng mga lokal na kandidato. Gayunman, hindi dumalo ang kalaban nitong si Sarah Discaya. 

Nagtipon-tipon ang mga kandidato para sa pagka-mayor, vice mayor, at mga councilor ng District 1 at 2 sa Sta. Clara de Montefalco Parish nitong Huwebes, Marso 27, para sa Peace Covenant na pinangasiwaan ng Commission on Elections (Comelec)–Pasig City, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at Armed Forces of the Philippines - Joint Task Force.

Lumagda ang mga kandidato ng isang Integrity Pledge o Panata Para sa Ligtas, Tapat, Maayos, Mapayapa, Makatotohanan, at Makatarungang Halalan.

Sa isang Facebook post ni Mayor Vico, nagbahagi siya ng ilang larawan sa naturang peace covenant signing. Kapansin-pansin ang larawan niyang tila nakipagkamay na lamang siya sa hangin dahil hindi dumalo si Discaya.

Eleksyon

Halos mag-concert: Andrew E, mabenta sa campaign rallies

Ayon kay Atty. Ian Sia, kandidato sa pagka-congressman, nasa bahay lamang daw si Discaya.

“Ah si ate Sarah po, nasa bahay lang po siya. Ang sabi po kasi ni Doc. Kung alam naman po ninyo si ate Sarah, eh kaya nga po medical mission ang inuna namin sa Pasig dahil si ate Sarah, kundi n'yo po alam eh siya po ay diabetic at asthmatic, pero despite that condition, nakita n'yo naman napaubong nila ang kanilang hanap-buhay mag-asawa," saad ni Sia.

Samantala, ayon sa lokal na pamahalaan ng Pasig, hindi mandatory ang pagdalo ng mga kandidato sa naturang kaganapan.

"Hindi man compulsory ang pagdalo ng mga kakandidato sa Peace Covenant, ang paglahok pa rin ng mga ito ay sumisimbolo sa kanilang paniniwala sa kahalagahan ng pagsusulong ng aktibidad gaya nito. Bagamat isa lamang itong ceremonial activity ay sinasalamin nito ang ideals na nirerepresenta ng Peace Covenant: ito ay deklarasyon ng bawat isa, kakandidato man o mga kawani ng Pamahalaan na kabilang sa pangangasiwa ng election, na maninidigan para sa eleksyon na may integridad, respeto, at patas."