Isang lalaki ang nag-amok at nangyapos pa ng isang babae matapos umanong hindi agad mabigyan ng kape ng isang tindahan.
Ayon sa ulat ng Frontline Pilipinas noong Miyerkules, Marso 27, 2025, nangyari ang insidente sa Quezon City kung saan maayos pa raw ang lalaki na pinakain pa ng tinapay ng isang tindahan dahil nagkakalkal lang daw ito ng makakain sa basurahan.
Matino pa raw ang lalaki at pirming may damit din, ngunit bigla na lamang daw itong nagwala nang hindi agad nila naibigay ang kapeng hinihingi niya.
Panandalian pa raw kumalma ang lalaki, ngunit muli raw itong nabugnot nang tuksuhin siya ng ilang residente sa lugar. Doon na raw tuluyang nagwala ang lalaki na nagtanggal pa ng damit sa buong katawan.
Batay sa video ng isang netizen, tila nakipagpatintero pa ang lalaki sa isang lolo na pilit siyang pinaalis sa lugar. Hanggang sa nahagip niya ang isang napadaang babae at saka ito niyapos.
Nagawa namang makawala ng babae matapos pagtulungan ng ilang residente na maigapos ang lalaki. Nahimasmasan na lamang daw ito nang dalhin na sa barangay.
Napag-alamang dati na raw gumagamit ng droga ang lalaki. Ayon sa kaniyang mga magulang, muli nila itong ipapasok sa rehabilitation center at ipapatingin na rin daw nila ito sa National Institute for Mental Health sa Mandaluyong City.