Inalmahan ni GMA news anchor Arnold Clavio ang mga bumabatikos sa naging ulat ng kanilang media company tungkol sa umano'y asylum application ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China, bago siya maaresto ng mga awtoridad at ilipad sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands noong Marso 11, 2025.
Matatandaang naunang napaulat sa "24 Oras" ng GMA News ang tungkol sa umano'y pagpapasa ng aplikasyon para sa asylum ng dating pangulo, upang hindi siya madakip ng mga awtoridad habang nasa Hong Kong, subalit tinanggihan daw ito ng China.
Nang mga sandaling iyon ay matunog na ang usap-usapang darakpin na si Duterte ng ICC. Ang ulat na ito ay mula umano sa mapagkakatiwalaang source ng GMA News.
Sa ulat ng Reuters noong Lunes, Marso 24, pinabulaanan umano ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ang tungkol sa asylum application na ito.
Taliwas sa mga kumalat na ulat, sinabi ni Jiakun na wala raw natanggap ang pamahalaan ng China mula sa kampo ni Duterte, sa isang press conference.
Nagpunta umano ang dating pangulo sa Hong Kong para sa kaniyang "personal holidays."
MAKI-BALITA: China, walang natanggap na asylum application sa kampo ni FPRRD
Sa Instagram post naman ni Clavio noong Miyerkules, Marso 26, sinabi niyang hindi fake news ang iniulat ng GMA News, dahil dumaraan muna ito sa masusing pagsusuri bago ilabas.
"Pinabulaanan ng gobyerno ng China ang impormasyon na nakalap ng @gmanews, mula sa isang magpapakatiwalaang source, na humiling ng asylum sa kanila si dating Pangulong Duterte," mababasa sa post ng news anchor.
"Nauna rito, ayon sa source, nagtungo sa Hongkong si Duterte para tangkain na mag-apply ng political asylum sa China at maiwasan ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC). Pero tumanggi ang China."
"Ano ang bago? Sa tuwing mako-kompromiso ang interes ng China, lagi silang nagde-deny."
"Kaya nga lumawak ng lumawak ang ‘artificial island’ nila sa pinag-aagawan na Spratley group of islands dahil pinaniwala nila ang buong mundo na ito ay isang fisherman’s haven."
"Pinabulaanan din ng China na nakikialam sila sa giyera sa Ukraine."
"Their words against ours."
Paniniguro ni Clavio, "Tinitiyak ko na anumang sensitibong impormasyon na makakalap ng @gmanews ay dumaraan sa masusing pagsusuri bago ito ibalita. Kaya malabo itong ilarawan na ‘fake news.'
"Pero lahat ng ito ay wala ng saysay dahil nasa kamay na ng International Criminal Court ang dating pangulo na naghihintay ng trial sa Setyembre."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ng dating pangulo tungkol sa isyu.