Tinatayang nasa 21 estudyante ang isinugod sa ospital matapos umanong makakain ng expired na tsokolate noong Miyerkules, Marso 26, 2025.
Ayon sa mga ulat, pawang mula umano sa Grade 3 hanggang 5 ang mga estudyanteng nakaramdam ng sintomas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka. Dalawang estudyante ang nagmula sa Grade 3, apat ang mula sa Grade 4 at 15 naman ang mula sa Grade 5.
Napag-alaman noong Setyembre 17, 2024 pa umano expired ang nasabing mga tsokolateng nakain ng mga estudyante. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na binili umano ng magulang ng isang estudyante ang tsokolate mula sa Maynila.
Samantala, ipinagbigay-alam naman ng Talisay City Health Office (CHO) na may ilang estudyante na raw ang nakalabas ng ospital at binigyan na lamang ng gamot.
Pansamantala namang suspendido ang klase sa Bubog Elementary School dahil sa naturang insidente.