March 31, 2025

Home BALITA

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD
photo courtesy: ICC/Website, Ivy Tejano via MB

Nagsuspinde ng face-to-face classes ang 15 pampublikong paaralan sa Davao City sa Biyernes, Marso 28, dahil sa pagsasara ng mga kalsada para sa gaganaping prayer rally bunsod ng pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, ipapatupad ang blended learning modalities sa 15 paaralan na maaapektuhan ng prayer rally. 

Kabilang sa 15 pampublikong paaralan ay ang Bolton Elementary School, Cesario Villa-Abrille Elementary School, CP Garcia Senior High School, Davao City National High School, Doña Pilar Elementary School, Erico Nograles National High School, Jose Rizal Elementary School, Kapt. Tomas Monteverde Central Elementary School, Magallanes Elementary School, Manuel Roxas Elementary School, Manuel L. Quezon Elementary,  School, Palma Gil Elementary School, Sta. Ana National High School, Sta. Ana Central Elementary School, at Wireless Elementary School.

May ilang ding pribadong paaralan ang magsususpinde ng kanilang klase.

National

Batangas, niyanig ng magnitude 4.6 na lindol

Samantala, magsisimula ang pagsasara ng kalsada dakong 1:00 ng tanghali hanggang matapos ang aktibidad.

Isasarado ng lokal na pamahalaan ang C.M Recto Avenue mula sa San Pedro St. hanggang sa Magsaysay Avenue, at Roxas Avenue mula Quezon Boulevard hanggang C. Bangyoy St., dagdag pa ng ulat ng GMA Regional TV. 

Ayon sa Police Regional Office-Davao (PRO-11), tinatayang nasa 100,000 katao ang inaasahang dadalo sa prayer rally. 

Nasa 1,800 police personnel naman ang naka-deploy sa mga naturang lugar. 

Kasalukuyang nasa nternational Criminal Court (ICC) detention center si Duterte para sa kaniyang kasong crimes against humanity.

Nasa The Hague, Netherlands na rin sina Honeylet Avanceña at Kitty Duterte para ipagdiwang ang kaarawan ng dating pangulo.

BASAHIN: Honeylet Avanceña, Kitty Duterte nasa The Hague na

Nauna na rin ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na pupunta rin sa Netherlands ang iba pa nilang mga miyembro ng pamilya para sa kaarawan ng kanilang ama. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, ibinahaging bibisita iba pa nilang pamilya sa Netherlands para sa kaarawan ni FPRRD