April 01, 2025

Home BALITA

'Zero Remittance Day' ng OFWs, insulto sa mga biktima ng war on drugs —Migrante

'Zero Remittance Day' ng OFWs, insulto sa mga biktima ng war on drugs —Migrante
Photo Courtesy: Migrante International (FB), Arnold Quizol/MB

Naghayag ng pagtutol ang Migrante International, isang pandaigdigang samahan ng Overseas Filipino Workers (OFW), sa binabalak na “zero remittance day” bilang pagsuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa programa nina Ted Failon at DJ Chacha nitong Miyerkules, Marso 26, sinabi ni Migrante International Deputy Secretary General Josie Pingkihan na isa umanong insulto sa mga biktima ng war on drugs ang panawagang “zero remittance day” dahil isa itong political action na ginagamit para sa hinahangad na pagbabago ng mga OFW. 

“Gusto po naming iparating sa ating mga kababayan na ‘yong ‘zero remittance day’ ay isang political action na ginagamit natin bilang pag-pressure sa ating government sa hangad nating pagbabago…para sa kapakanan ng OFW,” saad ni Pingkihan.

Dagdag pa niya, “Ngayon, ‘yong balak nilang mag-zero remittance day para pauwiin si dating Presidente Duterte, kung titingnan po natin, parang insulto po ‘yan sa mga namatay noong kapanahunan niya.”

Eleksyon

Atty. Luke Espiritu, sinita campaign jingle ni Mocha Uson: 'Mismong babae binabastos ang kababaihan!'

Matatandaang Migrante International ang unang nagkasa ng “zero remittance day” noong 2008 bilang pag-alma sa pagpapataw ng mataas na bayarin sa mga OFW sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Samantala, pinakalma naman ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga OFW na tagasuporta ni Duterte sa binabalak nilang hindi pagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya.

MAKI-BALITA: Malacañang, nagsalita tungkol sa bantang 'zero remittance' ng OFWs dahil kay FPRRD