Nawawala ang pag-asa ng mga Pilipino? Hindi ba siya ang nawawala sa PIlipinas?
Tahasang sinagot ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y pagiging “road to dumpster” na raw ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Marso 26, 2025, pinuna ni Castro ang pananatili umano ni VP Sara sa Netherlands.
“Siguro sinasabi n’ya ‘yan na road to perdition na tayo, bakit? Dahil hindi naman niya nakikita kung ano ang mga ginagawa, proyekto, programa na naisagawa na at naitulong na ng pamahalaan sa taumbayan. Dahil malamang hindi siya nanonood ng ating press briefing everyday,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Hindi ba mas magiging…mapupunta tayo sa dumpster kung ang magiging Pangulo natin o ang magiging leader natin ay ang mga katulad nina VP Sara? Mas inuuna pang magpunta sa abroad. Magsilbi sa isang tao, although tatay n’ya po yun. Pero marami pa rin pong Pilipino na umaasa sa kaniya bilang Bise Presidente. Mahihirapan po tayong magkaroon ng Pangulo kung lagi pong nasa abroad, hindi po ginagawa ang trabaho dito sa Pilipinas.”
Nang tanungin naman ng media kung oras na upang bumalik si VP Sara sa bansa, sagot ni Castro, “Obligasyon po niya ang maging Bise Presidente. Alam niya po dapat ang obligasyon bilang Bise Presidente.”
Matatandaang iginiit ni VP Sara sa panayam sa kaniya ng media sa The Hague na wala na umano siyang babalikang bansa dahil patapon na raw ang Pilipinas.
“We should be working on our way up, but it seems that we are working to the dumpster. As I said noon, we are on this road to perdition, sinabi ko na ‘yan noon. Sa tootoo lang, walang nakikitang hope yung mga tao dahil wala rin silang nakikita mula sa gobyerno,” ani VP Sara.
Nananatili sa The Hague sa Netherlands ang Pangalawang Pangulo magmula nang mapunta sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong crime against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD