Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na wala umanong isinukong soberanya ang bansa sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng arrest warrant na ibinaba ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 11, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Sa panayam ng media kay Escudero sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, Marso 26, 2025, ipinaliwanag niya ang pagiging legal umanong pag-aresto sa dating Pangulo.
“Una mga Pilipino ang nagsampa ng kaso sa ICC [at] hindi mga dayuhan. Pilipino rin ang nag desisyon na gawin ito. Wala namang dayuhan na nanghimasok doon, wala namang pending na kaso rito laban kay former president Duterte para sabihin mong tinanggalan natin ang jurisdiction ang Pilipinong huwes at ipinasa natin sa dayuhan dahil nga walang pending case,” anang Senate President.
Dagdag pa niya: “So wala akong nakikitang pag-agaw ng hurisdiksyon ng korte sa Pilipinas kaugnay sa isyu at bagay na ito. Sang-ayon sa batas na umiiral sa atin, pwedeng dalhin ang sinumang akusado sa international court kaugnay ng crimes against humanity. ‘Yan ay batas pa rin na umiiral lalo na kung wala namang pending na kaso rito sa kaniya.”
Matatandaang kasunod ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay ang pag-ugong ng mga bali-balitang ilegal daw ang nangyari dito, dahilan upang magkasa ang si reelectionist Senator Imee Marcos ng imbestigasyon sa Senado hinggil sa pagpapadala ng bansa sa dating Pangulo sa kustodiya ng ICC upang harapin ang kasong crime against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, tinawag na ‘pang-aalipin’ ang ‘hustisyang ipinapataw ng dayuhan’
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD