Muling nakabalik bilang Prime Minister at acting President ng South Korea ang na-impeach na si Han Duck-soo, matapos ipawalang-bisa ng kanilang Constitutional Court ang impeachment niya noong Disyembre 2024.
Ayon sa ulat ng AP News, si Han pa rin ang kasalukuyang acting President ng South Korea matapos manaig ang 7-1 rulings ng Korte na ibasura ang kaniyang impeachment.
Matatatandaang noong Disyembre 2024 nang magdeklara nang panandaliang martial law ang noo’y South Korean President na si Yoon Suk Yeol. Matapos ang ilang oras ay binawi niya ang nasabing deklarasyon at tuluyan siyang na-impeach, dahilan upang okupahin ni Han ang kaniyang nabakanteng posisyon.
Habang noong Disyembre 27, 2024 nang ma-impeach naman si Han matapos umano niyang hindi magluklok ng tatlong opisyal sa Constitutional Court.
Samantala noong Lunes, Marso 24, 2025 nang ipawalang-bisa ang impeachment kay Han dahil wala umano itong nilabag na batas, maging sa konstitusyon ng kanilang bansa.
Nagpasalamat naman si Han sa naging desisyon ng korte at nangakong mas magiging epektibo umanong pinuno ng kanilang bansa.
“As acting president, I will do my best to maintain stable state administration, and devote all wisdom and capabilities to safeguard national interests in the trade war,” ani Han sa media.