April 01, 2025

Home BALITA Eleksyon

Mga opisyal at kawani ng Manila City Hall, pinaiiwas ni Mayor Honey sa pamumulitika

Mga opisyal at kawani ng Manila City Hall, pinaiiwas ni Mayor Honey sa pamumulitika
(FILE PHOTO)

Pinaalalahanan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga opisyal at empleyado ng Manila City Hall na umiwas at huwag nang makisawsaw pa sa pamumulitika.

Ang paalala ay ginawa ng alkalde kasunod na rin ng nalalapit nang pag-arangkada ng campaign period para sa local elections sa Biyernes, Marso 28.

“Alam ko po, papalapit na nang papalapit ang eleksyon o pagsisimula ng kampanya sa lahat ng LGU (local government unit) at di naman tayo naiiba dito. Ang akin lang pong paalala sa bawat isang kawani ng lungsod ng Maynila, bagamat meron tayong kani-kaniyang opinyon, kani-kaniyang paniniwala at sinusuportahan, lagi po nyong aalalahanin na higit sa lahat, ang kailangan n'yo pong suportahan ay ang atin pong mga kababayan kaya mag-focus lamang po tayo sa mga tungkuling iniaatas sa atin,” pahayag pa ng alkalde.

“Hayaan n'yo po ang pamumulitika sa mga pulitiko. 'Wag na po kayong makisawsaw pa sa mga ibat-ibang mga nalalaman at naririnig n'yo,” aniya pa.

Eleksyon

Mocha Uson, ibinida bakit ang sarap-sarap ng cookie niya

Binigyang-diin pa ni Lacuna na ang dapat na maging prayoridad ng bawat civil servant ay ang pagkakaloob ng mahusay at mabilis na serbisyo sa mga residente.

“Ang importante po para sa ating lahat ay makapagbigay tayo ng tama at agarang serbisyo sa ating mga kababayan kasi 'yan po ang inaasahan nila sa atin kaya tuloy-tuloy lang po tayo sa ating pagtrabaho,” aniya pa.

Giit pa niya, may hangganan ang pagpapakita ng ating kagustuhan o mga sinusuportahan.

“Mag-iingat lamang po kayo dahil kayo ay mga kawani ng pamahalaan kaya po para di tayo magka-problema, ang pinakamaganda po ay mag-focus tayo sa ating mga tungkulin at 'yan po kasi ang inaasahan sa atin, ang pagbibigay ng tapat at totoong paglilingkod,” aniya pa.

Una nang sinabi ni Atty. Princess Abante, spokesperson ni Lacuna at pinuno ng Manila Public Information Office (MPIO), na ang proclamation rally ng dominant ruling party sa Maynila, na Manila Asenso Manileño, ay nakatakda nang magdaos ng proclamation rally sa Biyernes ng gabi.

Sa MACHRA Balitaan ng Manila City Hall Reporters' Association nitong Martes, sinabi ni Abante na ang naturang aktibidad ay pangungunahan mismo ni Lacuna, kasama sina Vice Mayor Yul Servo, gayundin ang kanilang mga kaalyadong kongresista at mga konsehal.

Isasagawa aniya ang aktibidad, ganap na alas-6:00 ng gabi sa Earnshaw St. sa Sampaloc, kung saan sinimulan ni Lacuna ang kanyang political career bilang konsehal ng Maynila noong 2004.