Tahasang ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nakakatanggap siya ng death threats matapos umano niyang isiwalat ang umano’y korapsyon at katiwalian sa House of Representatives (HOR).
Sa panayam ng media kay Magalong sa Baguio City noong Martes, Marso 25, 2025, aminado umano siya na mas natatakot siya na posible raw madamay ang kaniyang pamilya sa mga death threat na kaniyang natatanggap.
“Araw-araw ‘yan. I don't have fear for my safety, sanay naman ako diyan. I just fear for the safety of my family. Kasi kung may ginawa sa akin paano kung masaktan sila?” ani Magalong.
Matatandaang gumawa ng ingay sa Magalong matapos niyang isiwalat ang umano’y korapsyon sa House of Representatives tungkol sa “777 scheme” sa ilalim ng liderato ni House Speaker Martin Romualdez. Ayon kay Magallong, nakakatanggap umano ng ₱7 milyon ang bawat kongresistang sumasama sa mga “sorties” ng House Speaker.
Ang nasabing ₱7 milyon ay pasok umano sa Assistance to Individuals in Crisis (AICS) at Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na budget ng bawat kongresista. Gayundin sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIPP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
“Ngayon talagang nakatanggap kasi ako ng message from former secretary Allan Capuyan. Humihingi ako ng tulong sa kaniya, he was formerly a general in Armed Forces of the Philippines (AFP). At humihingi ako ng tulong sa kaniya, ‘kindly check kung ano itong threat sa akin. And then last February 19, I received a message from him, sabi n’ya. ‘Sir mag-ingat po kayo mukhang positive ang threat’ kaya how would you feel? Eh ang dami ko ng kaaway,” saad ni Magalong.
Binanatan din ni Magalong ang kontrobersyal na 2025 General Appropriations Act (GAA) na umano’y binago lang daw ng iilang mambabatas para gawing election fund.
“Classic example nila yung ginawa nila sa ating Appropriations eh. Tinamo yung ginawa nila, no less than the president sabi n’ya is a different animal. Saan ka nakakita nang ganun na kakaunting tao lang, na mga lawmakers lang. Sila-sila lang ang nag-usap para binago yung buong bicameral,” saad ni Magalong.
“Kita mo yung mga nilagay na pondo doon eh obviously election fund yung ginawa sa GAA 2025.”
Samantala, matatandaang noong Pebrero 10 nang pormal na sinampahan ng kasong falsification of legislative documents at graft and corruption si Romualdez at ilang kongresista, kaugnay umano ng mga binago nila sa GAA.
KAUGNAY NA BALITA: HS Romualdez at iba pa, sinampahan ng kasong 'falsification of legislative documents at graft and corruption'
Sa kabila ng mga death threat na natatanggap, nanindigan naman si Magalong na nakahanda umano siyang mamatay para sa bansa.
“Lalaban kami rito. And you know, galing naman ako sa giyera so kaya ko naman. I’m willing to die for this country! Lalaban kami rito, hindi kami hihinto rito," aniya.